Filtered By: Showbiz News | News
Kris Bernal at 'Little Nanay' team, pinag-aralang mabuti ang mga taong mayroong intellectual disability
Published On: November 12, 2015, 04:51 PM
Updated On: March 1, 2020, 10:39 PM
Pinilit talaga ng 'Little Nanay' team na gawin ang immersion na ito upang hindi magkaroon ng problema sa pagpo-portray ni Kris sa character niyang si Tinay.
By AL KENDRICK NOGUERA
Hindi biro ang character na gagampanan ni Kris Bernal sa upcoming GMA Telebabad show na 'Little Nanay' dahil mayroon itong intellectual disability. Dahil dito, sinigurado ng cast at ng production team na alamin ang tunay na kalagayan ng mga taong may ganitong kundisyon.
Kuwento ng 'Little Nanay' director na si Ricky Davao, dumaan sila sa butas ng karayom bago sila napagbigyang obserbahan ang mga taong ito. "Noong umpisa, bawal eh. Pero in-explain namin [kaya] pumayag 'yung mga doctor at saka 'yung teachers mismo," saad niya.
Pinilit talaga ng 'Little Nanay' team na gawin ang immersion na ito upang hindi magkaroon ng problema sa pagpo-portray ni Kris sa character niyang si Tinay.
"Medyo mahirap din ito kahit light 'yung topic, medyo delicate rin eh. So we met with a lot of psychiatrists and pyschologists tapos nagpunta kami sa Special Education (SPED) schools. Nag-immersion kami [pati] mga artista," bahagi niya.
Ayon pa sa direktor, hindi lang daw mga mayroong intellectual disability ang kanilang inobserbahan kung 'di pati ang mga pamilya ng mga ito. Sinuwerte nga raw sila dahil mayroong silang nakita na tulad ng nangyari kay Tinay.
"Actually doon sa isang school, mayroon ekstaktong nangyari na nagka-baby. So may nangyari talagang ganoon," anang direktor.
Ayon naman kay Kris, inobserbahan niya nang husto ang mga katulad ni Tinay. "Nagkaroon kami ng immersion so nakita ko kung paano sila kumilos, nakita ko kung paano sila nagsalita, nakita ko kung ano 'yung mga kaya nilang gawin," saad niya.
"Ipapakita namin sa inyo kung gaano ka-adorable, kung gaano ka mai-in love, kung paano ka matutuwa sa isang batang may intellectual disability. Puro positive siya," pagtatapos ng 'Little Nanay' star.
Trending Articles