Modern Kapuso series na may tema ng women empowerment
Bukod sa entertainment, nagiging daan din ang maraming Kapuso series upang magbigay inspirasyon sa mga manonood sa pamamagitan ng mga karakter na nagsisilbing representasyon ng bawat uri ng tao sa lipunan.
Gaya na lamang ng mga bidang kababaihan sa isang teleserye na ginagampanan ng mga mahuhusay na aktres. Malayo man sa totoong buhay ang karakter na kanilang ginagampanan, sumasalamin naman ito sa mga babaeng matapang, maabilidad, prinsipyado, at inilalaban ang kaniyang karapatan.
Minsan may malalim na dahilan din ang pagkahumaling ng ilang manonood sa isang serye, hindi lamang dahil sa special effects nito o sa pagiging uso nito kung 'di dahil ay nagbibigay din ito ng aral na maaaring gamitin sa totoong buhay.
Narito ang ilan sa mga makabagong programa na tumatak at nagbigay inspirasyon sa maraming kababaihan.
Maria Clara at Ibarra
Una sa listahan ng mga programang nagpakita ng kahalagahan ng mga kababaihan sa makabagong panahon ay ang well-loved historical-portal fantasy series na 'Maria Clara at Ibarra.' Kung saan binago ng Gen Z at modern Maria Clara na si Klay (Barbie Forteza) ang hindi pantay na pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan at kalalakihan. Dito ay tinulungan niya si Maria Clara (Julie Anne San Jose) na gamitin ang kanyang karapatan bilang isang babae at baliin ang mga nakagisnang maling paniniwala sa kanilang panahon.
Abot Kamay na Pangarap
Nagsilbi ring inspirasyon sa maraming kababaihan ang kuwento ng mag-inang sina Lyneth (Carmina Villarroel) at Analyn (Jillian Ward) dahil sa kanilang nakaaantig na kuwento. Si Lyneth ay lumaking walang pinag-aralan kung kaya't mabilis siyang naloloko ng mga masasamang loob pero patuloy niya pa ring itinaguyod ang kanyang anak na si Analyn nang mag-isa. Habang lumalaki, namulat naman si Analyn sa realidad ng buhay kung kaya't ginamit niya ang kanyang talino upang makapagtapos ng pag-aaral at maabot ang mga pangarap nila ng kanyang ina na si Lyneth.
Underage
Hustisya naman ang ipinaglalaban ng Serrano sisters na sina Celine (Lexi Gonzales), Chynna (Elijah Alejo), at Carrie (Hailey Mendes), na maagang hinarap ang mga hamon ng buhay mula nang sila ay mag-viral online dahil sa isang malisyosong video na kanilang kinasangkutan. Ang kanilang kuwento sa 'Underage' ay napapanahon sa totoong buhay kung saan nagkalat ang fake videos at scandals na ang laging biktima ay babae.
Unica Hija
Bagamat sci-fi ang tema ng seryeng 'Unica Hija,' tumutukoy pa rin ito sa lakas ng isang babae kung paano haharapin ang mga mapang-abuso at mapang-lamang na mga tao. Lalo na sa karakter ni Hope (Kate Valdez) at kanyang inang si Diane (Katrina Halili).
Mga Lihim ni Urduja
Binibigyang-buhay naman sa fantasy series na 'Mga Lihim ni Urduja' ang tapang, talino, at husay sa pakikipaglaban ng legendary princess na si Urduja, na ginagampanan ni Sanya Lopez. Katapangan din ng isang babae ang ipinapakita ng mga itinakda ni Urduja na sina Gemma (Kylie Padilla) at Crystal (Gabbi Garcia).
Luv Is: Caught in His Arms
Sa kabila ng pagiging kilig series, tumutukoy din sa women empowerment ang programang 'Luv Is: Caught in His Arms,' partikular na sa karakter ni Florence (Sofia Pablo). Ipinakita ni Florence na kaya niyang gawin ang lahat para sa kanyang pamilya at kaya niyang mapataob ang mga problema kahit pa napaliligiran siya ng mga kalalakihang nasa mataas na estado ng pamumuhay.
Bolera
Binasag ng seryeng ito ang stereotype na ang larong billiard ay para lamang sa mga lalaki. Binigyang inspirasyon ni Joni a.k.a. Bolera (Kylie Padilla) ang mga babaeng nangangarap na maging atleta gamit ang sports na gusto nila.
First Yaya at First Lady
Sino ang mag-aakala na ang isang dating OFW, magiging kasambahay ng first family? At ang dating kasambahay ay magiging first lady? Ito ang kuwento ni Melody (Sanya Lopez) na nagsumikap para sa matulungan ang pamilya. Gaya ng maraming success stories, nagbunga ang lahat ng kasipagan at kabutihang loob ni Melody na mula sa pagiging katulong ay naging isang Pangulo.