Popular Filipino comedians who also nailed dramatic roles
Kabilang sina Joey De Leon, Pokwang, Eugene Domingo, Epy Quizon at Empoy sa listahan ng mga mahuhusay na komedyante. Marami na silang napasaya dahil sa kanilang mga 'havey' na jokes!
Hindi rin maipagkakaila na isa sila sa versatile actors sa bansa. Pinatunayan na nila na hindi lang sila magaling sa pagpapatawa kundi kaya rin nilang makipagsabayan sa larangan ng drama.
Kilalanin ang mga award-winning comedians na nagpamalas ng husay pagdating sa drama sa gallery na ito.
Paolo Contis
Maliban sa pagiging komedyante, kilala rin si Paolo Contis sa kaniyang galing pagdating sa drama films. Pinaulanan ng magagandang komento ng netizens ang kaniyang mahusay na pagganap sa ilang pelikula gaya ng 'Through Night and Day' at 'A Faraway Land.'
Vic Sotto
Mapa-comedy man gaya ng 'Iskul Bukol' o drama gaya ng Lenten specials ng Eat Bulaga, alam na alam na ni Bossing Vic Sotto, kung paano pasayahin at paiyakin ang mga Kapuso viewers! Hindi rin nawawala ang elemento ng drama sa halos lahat ng kanyang comedy movies.
Paolo Ballesteros
Isa rin si Paolo Ballesteros sa mga award-winning comedians and actors na nagpaiyak sa mga manonood. Dahil sa kaniyang hindi matatawarang pagganap bilang si Trisha sa 'Die Beautiful' noong 2016, nasungkit ni Paolo ang Best Actor awards sa 40th Gawad Urian, 15th Gawad Tanglaw Awards, Guild of Educators, Mentors and Students Awards, Gawad Bedista Awards 2017 at MMFF.
Jose Manalo at Wally Bayola
Kayang-kaya rin nina Jose Manalo at Wally Bayola makipagsabayan pagdating sa drama! Balde ng luha ang pumapatak sa mata ng Kapuso viewers sa tuwing may gagampanan silang role sa drama anthology show na 'Magpakailanman.'
Allan K
Sino ba naman ang makakalimot kay Allan K? Alam na alam ng lahat na hindi lang sa pagiging singer, komedyante at TV host magaling si Allan kung hindi pati sa drama roles!
Vice Ganda
Maliban sa kaniyang mga patok na jokes, ipinapakita rin ng comedian na si Vice Ganda ang kaniyang kakayahan pagdating sa drama roles sa kaniyang mga pelikula gaya ng 'Girl Boy Bakla Tomboy' at 'The Unkabogable Praybeyt Benjamin.'
Pokwang
Noong nakaraang January 2022, napanood si Pokwang sa isang episode ng '#MPK o Magpakailanman,' kung saan gumanap siya bilang isang nanay na kontesera. Samu't saring papuri ang natanggap niya mula sa Kapuso viewers dahil sa kaniyang mahusay na pag-arte. Noong 2018, umani ng mga nominasyon at ginawaran siya bilang Best Actress para sa pelikulang 'Oda sa Wala' ng QCinema International Film Festival.
Aiai Delas Alas
Sa taong ito, ipanamalas ni Comedy Queen Aiai Delas Alas ang kaniyang husay sa drama sa kaniyang GMA Afternoon Prime series na 'Raising Mamay,' kung saan gumanap siya bilang si Letty. Bago ito, kinilala sa abroad ang husay ni Aiai sa pag-arte sa indie movie na 'Area' at nagwagi rin siya ng Best Actress sa Cinemalaya para sa pelikulang 'School Service' noong 2018.
Joey De Leon
Marami ang namangha sa pagganap ng veteran comedian-TV host na si Joey De Leon bilang Solomon sa 2022 MMFF drama film na 'My Teacher,' kung saan bida rin ang dating Eat Bulaga host na si Toni Gonzaga.
Eugene Domingo
Hindi lang sa pagpapatawa magaling si Eugene Domingo. Local man o international, talagang napapansin ang kaniyang husay sa drama. Noong 2013 ay nanalo siya bilang Best Actress sa 6th Tokyo International Film Festival para sa pelikulang 'Barber's Tales.'
Epy Quizon
Tulad ng kaniyang amang si Dolphy, mahusay rin si Epy Quizon sa pagpapatawa. Ngunit sa isang interview, nabanggit ni Epy na gusto niyang makilala bilang isang versatile actor kung kaya't pinasok niya na rin ang mundo ng drama at action. Kasama ang kanyang yumaong ama at kapatid na si Eric Quizon, nagpaantig ng mga damdamin si Epy sa pelikulang Markova: Comfort Gay (2000). Magkahalong kilig at drama naman ang naramdaman ng mga manonood sa pelikula niyang 'The Art of Ligaw' (2019), kung saan nakapareha niya si KZ Tandingan.
Michael V.
Sa kanyang directorial debut na 'Family History,' ipinamalas pa nang husto ni Micheal V. ang kanyang kakayahang umarte sa family drama movie na ito, kung saan nakasama niya ang aktres na si Dawn Zulueta.
Gardo Versoza
Bukod sa pagiging komedyante, kilala rin si Gardo Versoza sa pagiging isang mahusay na aktor. Napanood na siya sa programa ng GMA tulad ng 'Kung Mahawi Man Ang Ulap,' 'Amaya,' at 'Bolera.'
Rufa Mae Quinto
Bukod sa kanyang sikat na linya na 'Go Go Go,' kilala rin si Rufa Mae Quinto sa husay nitong pag-arte. Isa sa kaniyang pinagbidahan ay ang pelikulang 'Mano Po 4: Ako Legal Wife,' na ipinalabas noong taong 2005 na kinabibilangan din ng ilang mga batikan na aktres tulad nina Cherry Pie Picache at Zsa Zsa Padilla.