Astig Authority: Anime series shown in GMA that define our childhood
Gumawa ng ingay kamakailan ang paglabas ng teaser streaming service na Netflix ng live-action adaptation ng sikat na anime series na 'Yu Yu Hakusho,' o mas kilala bilang 'Ghost Fighter' sa Pilipinas.
Nostalgic ito para sa maraming Pinoy fans ng anime dahil naging parte ito ng kanilang pagkabata.
Sa GMA Network napanood ang Filipino-dubbed version ng 'Ghost Fighter' na ipinalabas noong late '90s.
Maliban dito, marami ring napanood na anime series sa Kapuso channel kaya naman binansagan itong 'Anime Authority.'
Nagkaroon din ng solong programming block sa GMA na tinawag na 'Astig Authority' para sa mga animated Japanese shows.
Narito ang ilang anime na ipinalabas sa GMA na minahal ng mga manonood:
Ghost Fighter
Popular sa Pilipinas ang 'Ghost Fighter' kaya ilang beses ding inulit ipalabas. Bida rito ang karakter na si Eugene na kilala sa kanyang energy attack weapon na raygun gamit ang kanyang mga daliri. Iconic din ang iba pang karakter sa anime gaya nina Vincent, Dennis, at Alfred. Iba't iba ang kanilang ispiritwal na kapangyarihan para puksain ang mga kalabang demonyo. Muli napapanood ang 'Ghost Fighter' sa Philippine TV via GTV mula Lunes hanggang Biyernes, 9:30 AM, at Linggo, 10 AM.
Voltes V
Ang 'Voltes V' ang kauna-unahang anime na napanood sa Pilipinas kaya itinuturing itong "mother of all mecha anime." Ipinalabas ito noong late '70s at '90s sa GMA. Tungkol ito sa pagsasanib-pwersa ng tatlong magkakapatid na Armstrong na sina Steve, Big Bert, at Little Jon, at dalawa nilang kaibigan na sina Jamie Robinson at Mark Gordon para tugisin ang humanoid aliens na Boazanians na planong sakupin ang planetang Earth. Sa pakikipagtulungan ng GMA sa original Japanese creators ng 'Voltes V' na Toei at ng licensing agent nito sa bansa na Telesuccess Productions, magkakaroon ng live-action adaptation ang iconic '70s anime, na may titulong 'Voltes V: Legacy.' Tinatayang isa ito sa mga pinakamalaking produksyon ng GMA at mapapanood na sa 2023 matapos ang pitong taong paghahanda.
Daimos
Mula sa creators ng 'Voltes V,' ipinalabas din sa GMA ang isa pang Super Robot anime na 'Daimos'. Gaya ng 'Voltes V,' parte rin ang 'Daimos' ng Robot Romance Trilogy: ang 'Voltes V' ang ikalawang installment, samantalang ikatlo naman ang 'Daimos'. Sa 'Daimos,' matapos masira ang kanilang planeta na Baam, humanap ng kanlungan sa Earth ang mga alien na Brahmin. Sa gitna na kanilang negosasyon, na-assinate ang lider nilang si King Leon at sinisi ang mga taga-Earth sa kanyang pagkamatay. Nagalit ang mga Brahmin sa mga tao kaya nabuo ang super robot na Daimos, mula sa pangongontrol ni Richard Hartford, para labanan ang mga alien. Bukod dito, inabangan din ang love story ni Richard at Erika, isang Brahmin princess na anak ni King Leon.
Slam Dunk
Sino ba naman ang hindi makakalimot sa sports anime na 'Slam Dunk?' Pinagbidahan ito ng pilyong si Hanamichi Sakuragi na lider ng isang gang. Pagdating sa dating, laging nire-reject ang maangas na si Sakuragi kaya para mapa-impress ang kanyang crush na si Haruko Akagi, sumali siya sa Shohoku basketball team kahit wala siyang alam sa paglalaro ng sport. Dito niya nakilala ang mortal niyang kalaban sa puso ni Haruko na si Kaede Rukawa. Lagi mang kulelat pagdating sa pagbibigay ng puntos sa team, natutunan din ni Sakuragi mahalin ang sport. Kung miss n'yo ang Shohoku team, maaaring balikan ang kanilang kwento sa GTV mula Lunes hanggang Biyernes, 9:00 AM, at Linggo, 9:30 AM.
Dragonball Z
Gaya ng ibang anime, ilang beses ding nagkaroon ng rerun ang 'Dragon Ball Z.' Sa katunayan, kasalukuyan itong pinalabas sa GMA tuwing alas otso ng umaga pagkatapos ng GMA flagship morning show na 'Unang Hirit.' Tungkol ang 'Dragon Ball Z' sa adventures ni San Goku at pagdedepensa niya sa Earth, kasama ang Z Warriors, kontra sa mga masasamang loob.
Pokemon
Bago pa man sumikat bilang online game, kinagiliwan muna ang 'Pokemon' bilang TV series. Dito ay mapapanood ang batang trainer ng fictional creatures na si Ash Ketchum at ang yellow pet niyang si Pikachu kasama ang human friends nila para i-explore ang mundo ng mga makapangyarihang nilalang.
Detective Conan
Kapag 'Detective Conan' na ang palabas, tiyak nakatutok na ang '90s kids dahil sa misteryong nilulutas ni Conan. Tila isang mind game ang bawat episode ng anime dahil sabay-sabay inaalam ng viewers kung sino nga ba ang suspect sa kasong iniimbestigahan. Si Conan ay isang tunay na detective na nagngangalang Shinichi Kudo. Pero dahil sa isang experimental drug na pilit na pinainom sa kanya, siya ay naging hitsurang bata. Sa kabila nito, patuloy ang paglutas niya ng mga krimen sa ilalim ng pseudonym niyang Conan habang tinatago ang kanyang tunay na identity. Kasa-kasama siya ng childhood friend niyang si Ran Mori at ama nitong private detective na si Kogoro sa mga crime scene. Sa tulong ng tranquilizer para i-sedate si Kogoro at ng isang voice changer para gayahin ang boses nito, matagumpay na nakapagbibigay ng solusyon si Conan at nahahanap kung sino ang salarin sa krimen.