All the times Dingdong Dantes championed his acting game in films
Bago matapos ang 2021, napanood ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa pelikula.
Bumida siya sa action-drama movie na 'A Hard Day' kasama ang 78th Venice International Film Festival Best Actor na si John Arcilla. Ang pelikula ay official entry ng Viva Films sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa 47th edition ng annual film festival.
Base ito sa South Korean movie na may parehong pamagat na ipinalabas sa 2014 Cannes Film Festival's Director's Fortnight at nanalo ng multiple awards sa prestihiyosong Baeksang Arts Awards noong 2015.
Sa 47th MMFF, nominado si Dingdong para sa coveted Best Actor award para sa kanyang pagganap sa problematic character ni Detective Edmund Villon sa Philippine adaptation ng 'A Hard Day.'
Gayunpaman, hindi raw ito ang main goal ng Kapuso actor.
Aniya sa live press conference ng 'A Hard Day,' "Hindi naman 'yun ang main goal ko sa pagpili ng mga projects.
"'Yung isang guiding principle ko parati sa paggawa ng pelikula o TV shows man 'yan ay gusto ko parating, kumbaga, napu-push ko 'yung sarili ko sa mga bagay na hindi ko pa nagagawa.
"Kung titingnan ko rin 'yung filmography ko, kumbaga, pahirap siya nang pahirap. Kumbaga, hindi ako bumababalik sa kung ano 'yung nagawa ko dati, kung saan komportable ako."
Ayon sa two-time MMFF Best Actor, ang main goal niya ay maka-inspire ng maraming tao.
"Ang goal naman natin in this industry is to tell as many stories as possible, to touch as many lives as possible, to inspire as many as possible through our storytelling."
Bahagi pa ni Dingdong, mas importante ang mga natutunan niya sa set ng 'A Hard Day,' partikular na sa kanyang co-star na si John na itinuturing niyang mentor.
"Ang dami mo parating natutunan sa bawat proyektong ginagawa mo at mapalad ako dahil itong chunk ng mga natutunan ko sa nakaraang taon ay nanggaling sa kanya... sa kanyang globally recognized [acting].
"And I'm truly grateful na nabigyan ako ng Viva ng pagkakataon na siya 'yung nakasama ko. Kaya sinasabi ko nga sa sarili ko, sana 'yung ibang artista--lalo na 'yung mga bata, 'yung mga bago, 'yung mga gustong sumubok sa ganitong mga larangan--mabigyan din sila ng chance na makatrabaho at makasama siya dahil napakarami nilang matutunan about professionalism, about his love for his craft."
Hindi man niya naiuwi ang pinakamataas na award sa MMFF noong 2021, napatunayan na ni Dingdong ang kanyang galing sa larangan ng pag-arte, mapa-TV man o pelikula, at pruweba riyan ang ilang pagkilala na ito:
Segunda Mano
Marami ang bumilib sa performance Dingdong Dantes sa 2011 supernatural science fiction horror film na 'Segunda Mano.' Dito ay napanood siya bilang Ivan na nakipagbuno sa yumaong asawa na si Marie (Angelica Panganiban) matapos itong magmulto nang mabili ng girlfriend ni Ivan na si Mabel (Kris Aquino) ang pulang bag ng dating misis.
First Best Actor award
Kinilala ang pagganap ni Dingdong sa 'Segunda Mano' ng iba't ibang movie award-giving bodies. Kabilang na riyan ang 37th MMFF na gumawad sa kanyang unang best actor award noong 2011.
Second Best Actor award
Sa sumunod din na taon, muling nakamit ni Dingdong ang pinakamataas na pagkilala sa larangan ng pag-arte para sa pelikulang 'One More Try' na entry sa 38th MMFF. Dito ay muli niyang nakasama si Angelica, na gumanap muli bilang kanyang asawa, si Jacqueline. Tampok din dito si Angel Locsin na gumanap bilang Grace, ina ng love child nila ng karakter ni Dingdong na si Edward. Nagkaroon ng lamat ang samahan ng mag-asawang sina Edward at Jacqueline nang nang lumapit si Grace sa biological father ng anak na si Bochok (Miguel Vergara) matapos itong magkaroon ng rare blood disease.
Kasama ni Dingdong sa larawan ang MMFF 2012 co-awardees niya na sina Miguel, na nanalong Best Child Performer, Superstar Nora Aunor, na nakapag-uwi ng Best Actress award para sa 'Thy Womb,' at Cesar Montano, na hinirang na Best Supporting Actor para sa 'El Presidente.'
One More Try
Hindi pa roon nagtapos ang papuri sa Kapuso actor dahil noong 2013 nasungkit niya ang Film Actor of the Year sa 44th Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box Office Entertainment Awards (GMMSF-BOEA), at Best Actor sa 11th Gawad Tanglaw para sa pelikulang 'One More Try.'
More awards
Sa kanilang ikatlong pagsasama sa pelikula, muling umani ng award si Dingdong para sa romance drama film na 'The Unmarried Wife' kung saan nakatambal niya si Angelica. Hinirang siyang isa sa mga Most Influential Film Actor of the Year ng 7th Edukcircle Awards at Film Actor of the Year ng 48th Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box Office Entertainment Awards noong 2017. Ito ang ikalawang beses na nanalo si Dingdong bilang Actor of the Year sa GMMSF-BOEA. Sa 'The Unmarried Wife,' napanood sina Dingdong at Angelica bilang mag-asawa na sumailalim sa matinding pagsubok matapos mag-cheat ang character ni Dingdong na si Geoff.
Seven Sundays
Twice in one year ding nakapag-uwi ng acting award si Dingdong para sa pagganap niya bilang Bryan sa comedy-drama film na 'Seven Sundays.' Kinilala siya bilang Best Actor ng 20th Gawad Pasado, at Film Actor of the Year ng 49th GMMSF-BOEA, kasama si Aga Muhlach, noong 2018. Bukod kay Aga, kabilang din sa powerhouse cast ng pelikula sina Ronaldo Valdez, Cristine Reyes, at Enrique Gil. Sina Dingdong, Aga, Cristine, at Enrique ay magkakapatid sa family movie. Dito ay ama nila si Ronaldo na gumanap bilang Manuel. Nasubok ang samahan ng apat na magkakapatid nang pinatawag sila ng kanilang biyudong ama para makasama sila sa mga huling araw nito.
A Hard Day
Nakamit ni Dingdong ang unang acting award niya ngayong 2022 sa 6th Guild of Educators, Mentors and Students (GEMS) Hiyas ng Sining Awards. Dito ay iginawad sa kanya ang Best Performance in a Male Lead Role award para sa kanyang mahusay na pagganap bilang si Detective Edmund Villon sa 47th MMFF movie na 'A Hard Day.' Sa pelikula, ipinakita ang mga pangyayari kay Villon sa loob ng 24 oras matapos siyang imbestigahan dahil sa umano'y anomalya at sa pag cover-up niya sa bangkay ng isang lalaking na-hit and run niya.