TRIVIA: Fun facts about Lani Misalucha
Isa sa mga hinahangaang mang-aawit sa industriya ang Asia's Nightingale na si Lani Misalucha.
Ilan lamang sa mga pinasikat niyang kanta ang OPM classic hits na "Ang Iibigin ay Ikaw," "Tunay na Mahal," at "Bukas Na Lang Kita Mamahalin." May version din siya ng single ni Joey Albert na "Ikaw Lang ang Mamahalin" na patok pa rin sa marami.
Matagal na sa industriya si Lani at hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng kanyang career. Patunay diyan ang pagiging mainstay niya sa weekly GMA musical variety show na 'All-Out Sundays.'
Parte rin siya ng Kapuso singing competition na 'The Clash' kung saan judge siya sa ika-apat na pagkakataon.
Walang duda na isa si Lani sa mga pinakamagagaling ng mang-aawit sa buong mundo dahil maging ang ibang lahi ay kinikilala ang kanyang talento.
Alam iyan ng marami pero marami pang dapat malaman tungkol kay Lani. Kaya kung ikaw ay curious tungkol sa Asia's Nightingale, basahin ang ilang interesting facts tungkol sa magaling na mang-aawit dito:
Family
Galing sa isang musical family si Lani Misalucha. Ang kanyang amang si Benjamin Bayot ay isang operatic tenor, samantalang ang kanyang inang si Esperanza Dimalanta ay isa coloratura soprano. Pang-apat sa limang magkakapatid si Lani. Ang kanyang nakatatandang kapatid na si May Bayot ay isang band vocalist at theater actress, na gumanap bilang Elsa sa musical version ng 'Himala' para sa 10th anniversary ng classic film. Ang nakababatang kapatid nilang si Karlyn Bayot ay isang commercial model at aktres.
Marriage
Ipinanganak na Lani Dimalanta Bayot, na-acquire ni Lani ang kanyang apelyido na Misalucha, kung saan siya nakilala, nang ikasal sila ni Noli Misalucha. Mayroon silang dalawang anak na sina Lian and Louven.
Asia's Nightingale
Ayon kay Lani, ang kanyang managers na sina Ronnie at Ida Henares ang nagbigay sa kanya ng moniker na "Asia's Nightingale." Ang nightingale ay isang uri ng small passerine bird na karaniwang naninirahan sa Europe, Asia, at northwest Africa. Kilala sa tawag na "night songstress" ang mga nightingale dahil sa kanilang kakaibang huni.
First major concert
Taong 2001 nang ginanap ang first major solo concert ni Lani na ginawa sa Araneta Coliseum. Binansagan itong "a musical experience you won't forget" na may pamagat na 'Lani Misalucha: The Cross-over Live Tour.' Ilan sa mga guest niya rito sina Martin Nievera, Joey Generoso, at Side A.
Retirement
Alam n'yo ba na noong 2003 unang nagbalak si Lani na lumayo sa limelight? Plano niya sanang mag-retire at manirahan sa Las Vegas bilang ordinaryong citizen doon. Gayunpaman, dahil sa sunud-sunod na offer sa kanya, nanatili si Lani sa pagpe-perform.
Las Vegas
Kinikilala si Lani bilang unang Asian na nag-headline sa main showroom ng Las Vegas Strip. Dahil dito, binansagan siyang "New Siren of the Strip" matapos magkaroon ng series of shows sa Las Vegas noong 2004. Sa kanyang Vegas stint, nakasama pa niya sa stage ang veteran Hawaiian variety troupe na Society of Seven noong nag-show siya sa sikat na casino hotels na Bally's Las Vegas at Flamingo Las Vegas.
Lani Misalucha Day
Maging ang noo'y Las Vegas City mayor na si Oscar Goodman ay napahanga ni Lani. Sa katunayan, idineklara niyang "Lani Misalucha Day" ang December 4.
San Francisco
Hindi lang sa Vegas may "Lani Misalucha Day" kundi pati sa San Francisco, kung saan tuwing August 17 naman ito ipInagdiriwang. Ito ay matapos kilalanin ni dating San Francisco Mayor Willie L Brown ang talento ng magaling na mang-aawit.
Proud lola
Marami nang naging recognition si Lani sa loob at labas ng bansa dahil sa kanyang talento pero para sa kanya, most rewarding feeling pa rin ang pagiging lola. Malayo sa kanyang glamorosang buhay on stage, simple lang daw ang gusto ni Lani kapag nasa Las Vegas at ito ay makapiling ang kanyang pamilya na nakabase roon.