Article Inside Page
Showbiz News
Inamin ng Kapuso singer na wala siyang kaalam-alam sa acting nang gawin niya ang award-winning film ni Chito Roño.
By AEDRIANNE ACAR

The sand dunes of Morocco were Frencheska Farr's lucky charm in 2010.
Matatandaang tinanghal ang pelikula na dinirehe ni Chito Roño na Emir bilang Best Motion Picture (Musical or Comedy) sa 8th Golden Screen awards kung saan inuwi rin ng direktor ang parangal for Best Director.
Kinilala rin ng award-giving body ang mahusay na pagganap ni Frencheska. Nakamit naman niya ang award for Breakthrough Performance by an Actress.
Si Frencheska ang gumanap sa role na Amelia sa pelikula, ang domestic helper na nagtrabaho para sa isang royal family sa Middle East.
Nakasama rin ng Kapuso singer sa pelikula ang former My Destiny star na si Sid Lucero, Dulce, Jhong Hilario at Beverly Salviejo.
Kuwento ni Frencheska sa GMANetwork.com, halos wala raw siyang matandaan habang ginagawa nila ang movie na Emir.
Pag-amin ng dalaga, wala raw siyang kaalam-alam sa larangan ng pag-arte at nagpapasalamat siya kay Direk Chito na gumabay sa kanya upang magampanan niya nang maayos ang naturang role.
Saad ni Frencheska, “Actually pag tinatanong ako wala akong maalala kasi parang hindi ko alam kung ano ginawa ko. Sa totoo lang, hindi ko alam masyado kung ano ginagawa ko noon.”
“Parang sobrang naglalakad ako blindly. Alam mo ‘yung feeling na parang kung ano i-instruct sa ‘yo gagawin mo na lang. Kasi wala ka talagang idea kung ano ‘yung mangyayari. Pero at the same time, parang napapa-wow ako, na-o-overwhelm ako na nagawa ko ‘yung movie na ‘yun at that time.”
Dagdag pa ng dalaga, hindi raw niya akalain na matapos sumali ng Are You The Next Big Star? ay magtutuloy-tuloy ang kanyang mga projects.
Pagmamalaki ni French, kung sakali raw na ngayon niya ginawa ang Emir mas alam na niya ang gagawin. Pero proud siya na nakaya niya ang lahat in spite of having no experience in acting.
“Kung halimbawa ngayon ko siya ginawa siguro mas alam ko ‘yung gagawin ko ngayon. Ginawa ko rin ‘yung best ko at that time kung ano ‘yung makakaya ko.”