Article Inside Page
Showbiz News
Ang 7-taong-gulang na anak ni Dennis at Carlene na si Calix Andreas ay kabilang sa apat na estudyanteng nasaktan sa banggaan ng dalawang school service van sa Quezon City kahapon (November 4).
By BIANCA ROSE DABU, GMA News
Nagtamo ng gasgas at bukol sa ulo ang anak nina Dennis Trillo at Carlene Aguilar na si Calix Andreas, na kabilang sa apat na estudyanteng nasaktan sa banggaan ng dalawang school service van sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Sa ulat ng GMA News TV's
Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes ng hapon, sinabi ng duktor na tumingin sa 7-anyos na si Calix na idinaing lang umano ng bata ang pananakit ng katawan bunga ng insidente.
Gayunman, wala naman daw bali sa katawan ang bata base sa isinagawang X-ray at CT scan.
Bukod kay Calix, nagtamo naman ng sugat sa katawan ang ibang mag-aral mula sa Xavier School-Greenhills na kasama niya sa sasakyan.
Sa hiwalay na ulat ni Steve Dailisan sa GMA News TV's
Balitanghali, sinabing isang grade 7 student ang halos hindi makatayo dahil natamaan ito sa balakang. Mayroon din itong sugat sa noo, kamay at braso.
Kuwento naman ng ina ng isa sa mga nasaktang estudyante, masuwerte daw at nakasuot ito ng jacket dahil lumusot ang bata sa likurang salamin ng school service.
Sugatan din sa insidente ang ina ng isang grade 2 student na si Cristina Go, na kasama ang anak sa harapang bahagi ng school service nang mangyari ang banggaan sa Barangay Lourdes.
Pinag-aaralan pa ng mga magulang ng mga mag-aaral kung magsasampa sila ng kaso laban sa operators at mga driver ng school service.
Sa ngayon, ipinauubaya muna nila sa pamunuan ng Xavier School ang aksiyon kaugnay sa insidente.
Nais rin nila na maging mas mahigpit ang patakaran pagdating sa safety ng school service.
Nanawagan din ang mga magulang sa LTFRB na pag-ibayuhin pa ang patakaran na obligahin ang mga sasakyan na magkaroon seatbelt.
Hinihintay naman ng pamunuan ng Xavier School ang pinal na resulta ng imbestigasyon. Siniguro rin nito na matutugunan ang pangangailangan ng mga bata sa ospital.
Managot ang dapat managot
Nitong Martes, nag-post din ng ilang mensahe at larawan si Carlene sa kaniyang Twitter account upang ihayag ang saloobin sa nangyaring sakuna sa anak.
Nagpapasalamat si Carlene na bukol at gasgas lang ang tinamo ni Calix sa nangyaring banggaan.
Saad nito sa kaniyang post: "This happened kanina sa school service ng anak ko...buti nalang at gasgas at bukol lang sa ulo meron ang anak ko ...sana lang tlga managot ang mga dapat managot at dapat hindi mabilis magpatakbo ang mga school bus drivers dahil may mga pasahero silang mga bata..... thank you Lord safe anak ko pero im still praying sa mga batang lubhang nasugatan sa aksidenteng ito! #huwagtularan #notorecklessdrivers."
Hindi rin pinalampas ni Carlene na punahin ang kapabayaan na nagreresulta sa mga aksidente. "Please always BE SAFE!!! Accidents happen ... STUPIDITY and recklessness kayang IWASAN!," anang aktres at dating beauty queen.