Carmina Villarroel, itinuturing na blessing ang pagsasama ng kanyang pamilya sa 'Hating Kapatid'
Bibida ang Legaspi family na sina Carmina Villarroel, Cassy Legaspi, Mavy Legaspi, at Zoren Legaspi sa upcoming GMA drama series na Hating Kapatid.
Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago para sa 24 Oras, ipinasilip ang first taping day ng nasabing serye kung saan ang mga eksena ni Carmina ang kinuhanan.
Ikinuwento ng seasoned actress na malayo ang kanyang karakter sa Hating Kapatid kumpara sa naging role niya bilang Lyneth sa Abot-Kamay Na Pangarap.
"Ibang-iba kasi itsura pa lang, magkaibang magkaiba na sila. Si Roselle, physically, mahilig sa mga bulaklak, sa mga printed, kasi nagtatrabaho siya sa isang flower farm. Mahilig siyang mag-arrange ng flowers. Tapos dito, kulot, braid, mahaba ang buhok. Nagkakapareho lang sila dahil pareho silang nanay," pagbabahagi niya.
Labis ang excitement nina Carmina at Zoren dahil pagkatapos ng Holy Week ay magtutungo sila sa Benguet para kunan ang mga eksena nila roon.
Welcome na welcome din daw para sa kanila ang pagpunta at pagtatrabaho sa malamig na lugar. Katunayan, napag-uusapan na rin nila ng kanyang mister kung ano ang puwede nilang gawin doon.
Aniya, "Definitely, talagang mamimili ako ng mga gulay at prutas doon. Kung may rest day naman kami, baka mag-explore kami ng Benguet, pati 'yung maliliit na restaurants sa gilid-gilid, 'yun 'yung mga masasarap e."
Itinuturing naman na blessing ni Carmina ang pagsasama-sama ng kanyang pamilya sa isang serye. Labis din ang pasasalamat ng aktres na binigyan ng Kapuso network ang kanyang pamilya ng ganitong proyekto.
"They really made this for us. Hinintay talaga na makumpleto kami, hinintay na maging libre at mabakante kaming apat. Sinulat talaga nila itong storya na ito para sa aming pamilya," saad niya.
Samantala, simple lamang ang plano ng Legaspi family para sa nalalapit na Holy Week.
Kuwento ni Carmina, "Tinanong ko sila e, 'gusto n'yo bang umalis?' Parang we all decided na dito na lang tayo sa Manila. Enjoyin na lang namin 'yung quiet time dito sa Manila because I'm sure, it's going to be quiet here because lahat ng tao nasa labas."
Panoorin ang buong panayam ni Carmina Villarroel sa 24 Oras report na ito.
Abangan ang Hating Kapatid soon sa GMA.
SAMANTALA, TINGNAN ANG SWEETEST MOMENTS NINA CARMINA VILLARROEL AT ZOREN LEGASPI SA GALLERY NA ITO.