How Marian Rivera and Rhian Ramos played part in Mariz Umali and Raffy Tima's love story
Isang nakakakilig na hapon ang pinagsaluhan ng real-life couple na si Mariz Umali at Raffy Tima sa GTV cooking talkshow na Lutong Bahay kasama sina Mikee Quintos at Kuya Dudut.
Binalikan nila ang kanilang kuwento at ibinunyag na parte ang Kapuso actresses na sina Marian Rivera at Rhian Ramos sa kanilang love story.
Ayon kay Mariz, si Rhian Ramos daw ang nagbigay ng pangalan sa kanilang love team na MarFy.
“Alam mo ba na ang nagbigay ng pangalan sa amin na MarFy is si Rhian Ramos?” ani Mariz. “Kasi dati, mayroon kaming Puso ng Pasko, 'yung contest na magkasama ang GMA News and Public Affairs at saka Entertainment. So uso noon 'yung mga pinagpa-partner 'yung mga names at ang host noon, si Rhian.”
“Bigla na lang niya kaming tinawag na MarFy -- Mariz and Raffy,” nakangiting kuwento ni Mariz.
Nang tanungin naman kung kinilig ito sa kanilang love team name, “Oo, forever nang nagamit 'yung MarFy…”
Samantala, malaki naman ang naging parte ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa proposal story ni Raffy kay Mariz.
Kuwento ni Raffy, “Dati kasi, 'di ba sikat na sikat 'yung Amaya? Si Marian. E, patapos na 'yung Amaya noon, so ang pinalabas ko, mayroon akong copy ng last episode, so mag-a-advance screening kami, sabi ko.”
“Super favorite ko 'yun,” komento pa ni Mariz.
Natatawa ring ikinuwento ni Raffy na nakibahagi pa raw si Mariz sa preparation ng kaniyang proposal at siya ang nag-organize at naghanap ng venue.
Para raw makumpleto ang Amaya-inspired proposal ni Raffy ay nakipagkuntiyaba ito sa direktor ng hit fantasy serye na si Mac Alejandre.
“Pumunta ako sa shoot nila sa Laguna, tapos pinagbigyan naman nila ako. May isang eksena ako with Marian,” ani Raffy.
Sa huli ay nakuha naman ni Raffy ang matamis na “oo” ni Mariz.
ALAMIN ANG KUWENTO NINA RAFFY AT MARIZ DITO: