Ashley Ortega's message to her mom touches 'PBB' viewers' hearts
Usap-usapan online ang nakaaantig na totoong kuwento ng buhay ni Ashley Ortega at ang pagmamahal niya sa kaniyang ina sa kabila ng sitwasyon nila ngayon.
Sa previous episode ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, inatasan ni Kuya si Gabbi Garcia sa sorpresang inihanda niya para sa Sparkle star na isa sa celebrity housemates.
Related Gallery: Meet the Kapuso, Kapamilya housemates of Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition
Sa mala-fine dining restaurant na set up, ipinakita kay Ashley ang photo ng kaniyang ina at habang tinitingnan ito ay ipinakausap nina Kuya at Gabbi sa una ang kaniyang mommy.
Isa-isang binasa ni Ashley ang mga tanong na may kaugnayan sa sitwasyon nila ng kaniyang ina at una na rito ay kung tingin ba ni Ashley ay nagkamali siya sa pag-alis sa kanilang bahay.
“Honestly, Ma, I think 'yung mali ko sa ginawa ko is I left you guys without saying anything. Hindi na ako nakapagpaalam,” sagot niya.
Ikalawang tanong naman na natanggap ni Ashley, “Sa palagay mo ba nami-miss kita?”
Reaksyon ng Kapuso actress tungkol dito, “I don't know, what I feel like is hind mo [Ashley's mom] pa rin tanggap 'yung lahat nung nangyari. I honestly don't know if you miss me or not, and I don't want to expect that you miss me. Sana, sana from time to time you would think that I'm okay… I do miss you…”
Lalo pang naging emosyunal si Ashley nang mabasa niya ang tanong na, “Gaano kalaking sakit ang naidulot ko sa 'yo?”
Pahayag ni Ashley, “Sobrang sakit, Ma, to the point na I left because hindi ko na kaya talaga. I know I caused you so much pain when I left kasi alam kong binuhos mo rin 'yung mundo mo sa akin. I appreciate you for that. I just wanted to leave because ayoko 'yung habambuhay may hatred ako sa mom ko…”
Sa huling parte nito, sinabi niya na umaasa pa rin siyang magkakaayos silang mag-ina at looking forward siyang muling makasama ang kaniyang pamilya.
Pahabol pa ni Ashley kay Kuya, “I always pray that my mom will heal, and I hope she can forgive me.”
Matatandaang unang araw pa lang sa loob ng Bahay ni Kuya ay naibahagi na niya kay Ivana Alawi ang pag-alis niya sa kanilang bahay para umano sa kaniyang own space.
Narito ang ilang reaksyon ng viewers at netizens tungkol sa kwento nina Ashley at kaniyang ina:
Samantala, kilala si Ashley sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition bilang Tis-ice Princess ng San Juan.
Ang kaniyang ka-duo ngayon sa teleserye ng totoong buhay ay ang Kapamilya o Star Magic artist na si AC Bonifacio.
Isa ka ba sa fans ni Ashley? Maaari mo siyang suportahan at iligtas sa pamamagitan ng pagboto bago ang nalalapit na eviction night.
Mapapanood ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, weekdays 10:00 p.m. at weekends, 6:15 p.m., sa GMA, Kapuso Stream, GMANetwork.com, GMA Pinoy TV, Kapamilya Online Live, iWanTFC, at TFC.
Maaari ring silipin ang mga kaganapan ngayon sa loob ng Big Brother house sa All-Access Livestream ng programa.
Abangan ang iba pang detalye tungkol dito sa GMANetwork.com at iba pang social media platforms ng GMA at ABS-CBN.