Ruru Madrid, binalikan ang humble beginnings sa showbiz
Emosyonal na ibinahagi ng Kapuso actor at Lolong: Pangil ng Maynila star na si Ruru Madrid ang kaniyang humble beginnings sa showbiz sa kaniyang appearance sa GTV cooking talk show na Lutong Bahay kasama sina Mikee Quintos at Hazel Cheffy.
Sinamahan din ito ng kaniyang ama na si Bong Madrid at tiyuhin na si Bon Madrid.
Ayon kay Ruru, comfort food niya raw ang sinigang sa bayabas dahil sa memories na nakakabit dito.
“Parang ito kasi 'yung comfort food ko, e,” kuwento ni Ruru. “Naalala ko kasi, nakakakain lang kami ng sinigang sa bayabas kapag meron lang talaga kami (pera). Kasi usually maraming sangkap, maraming sahog, mahal ang bangus, [at] mahal ang baka! So bihirang-bihira kaming nakakakain [ng sinigang].”
Hindi naman daw ito naging hadlang kay Ruru na mangarap ng mas magandang buhay. “Pero siyempre, pinangarap namin na darating ang araw [na] kahit araw-araw, puwede naming ulamin ang sinigang sa bayabas.”
RELATED GALLERY: THE VULNERABLE MOMENTS OF TOUGH GUY RURU
Naging emosyonal naman ang mag-ama nang tanungin ito ni Mikee, “Umabot ba kayo sa point na kailangan niyong i-portion (ang pagkain)?”
Hindi ito itinanggi ng ama ni Ruru at sinabing, “Oo, alam nila 'yan. Kapag gagawin ko, sinusubuan ko sila, tatlo sila [na magkakapatid], alam nila 'yun na walang pera.”
Binanggit din ng ama ni Ruru ang isang pagkakataon na hindi sila nakabili ng french fries na nagkakahalagang PhP 30 dahil imbes na pera ang matanggap na talent fee ay binigyan lamang ang Kapuso star ng damit.
“Tinanggap ko na ('yung damit); kailangan din niya, e,” paliwanag niya.
Emosyonal na kuwento ni Bong Madrid, “Nakita niya [at sinabing] 'Da, bili tayo ng fries,' sabi ko 'nagmamadali tayo,' [pero] hindi niya alam, PhP 50 na lang 'yung pera ko sa wallet.”
“Alam mo 'yung bilang tatay… bilang ama, 'di ba? PhP 30, hindi mo [mabigay],” dagdag nito.
Lingid sa kaalaman ng kaniyang ama, tumatak kay Ruru ang pagkakataong iyon at sinabing naging motivation niya raw ito sa buhay.
Kuwento ng aktor, “Tumatak siya sa akin. Parang 'yun 'yung naging motivation para sa akin na hindi na dapat darating 'yung araw na 'pag meron kaming gustong bilhin [...] anuman 'yung gustuhin namin, kaya na naming bilhin. Parang 'yun na 'yung tumatak sa akin.”
Mapapanood si Ruru Madrid sa bagong yugto ng Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime. May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.