Glaiza de Castro, naging emosyunal nang mapag-usapan ang musika
Pinigilan ni Glaiza de Castro ang maging emosyunal nang mapag-usapan kung ano ang naitulong ng musika sa kanilang buhay sa media conference ng pelikulang Sinagtala kagabi, March 12.
Ayon sa kay Glaiza, “Bukod sa prayers, isa sa mga talagang masasabi kong nagsalba sa akin sa kalungkutan ay musika. Yun ang ano…”
Sa puntong ito, nag-iba ang boses ni Glaiza at nagsimulang tumulo ang kanyang luha.
Sabay natatawa niyang sabi, “Bakit ako naiiyak? Sorry, guys, feeling ko lang may PMS ako, so medyo emotional ako.”
Patuloy pa niya, “Kapag pinag-uusapan yung music kasi very significant siya sa akin. Para sa akin, gift talaga yun ni Lord sa akin, sa pamilya ko. Kasi, ano kami, musically-driven na family.
“Every time na may struggle, talagang music yung nagpapasaya. Kaya itong pelikula na ito, noong nakita ko--Akala ko nga 'di ko na magagawa, e. pero in-allow ni Lord na mapasama ako rito.”
Dagdag pa ni Glaiza, “Noong nagsho-shooting pa lang kami ng pelikula, nag-iiyakan na kami. Hindi ko talaga alam kung ano ang mayroon sa pelikulang ito at bakit ako emosyunal. Ayun nga, siguro maraming elements ang movie na ito na talagang nakaka-relate ako.
“Kasi, yung music din talaga is outlet din sa akin. Kumbaga, sobrang grateful ako na sa industriyang ito, talagang nakakagawa ako ng kanta and nase-share ko rin sa followers ko.
“Pero hindi talaga ako yung tipo ng tao na bumibirit, e. Ang dami ko ring insecurities - sa boses ko, sa kaya kong gawin - pero dahil nga mahilig kami sa pamilyang kumanta, bata pa lang ako na-train na akong kumanta, parang feeling ko lang dumating ako sa age na niyakap ko rin yung boses ko.”
Pagkatapos ang pabirong hirit ni Glaiza, “Again, through this film, parang nagkaroon ako ng bagong purpose sa life as a band leader. Wow!”
Kasama ni Glaiza sa Sinagtala ang kapwa Kapuso stars na sina Rhian Ramos, Rayver Cruz, at Matt Lozano, at ang StarStruck alumna na si Arci Muñoz.
Bukod sa kanila, ikinatuwa rin daw ni Glaiza na naging pagkakataon ang pelikula para makilala at makatrabaho ang direktor na si Mike Sandejas.
“Matagal ko nang gustong makatrabaho [si Direk Mike]. Noong napanood ko yung Tulad ng Dati sa Cinemalaya, sabi ko, 'Uy, astig 'to, gumawa ng pelikula tungkol sa The Dawn, 'tapos, musical, may original songs.
“Dito, isa sa mga ikina-proud ko rin, mga original song po yung kinanta namin at kami po talaga ang kumanta doon. It's such a pleasure and a blessing to work with talented musicians who deserve na marinig yung message ng kanta nila," pagtatapos ni Glaiza.
Related gallery: All the times Glaiza De Castro understood the assignment