Sanya Lopez, sa Jak Roberto-Barbie Forteza breakup: 'Masakit din for me'
Matatandaang marami ang nagulat sa breakup nina Barbie Forteza at Jak Roberto.
Noong January, pumutok ang balita nang nagpaalam at nagpasalamat si Barbie sa kanyang dating nobyo sa pamamagitan ng madamdaming Instagram post.
Aniya sa captions, "Your love was exceptional. But sometimes, good things fall apart so better things can come together. Beautiful goodbye, Jak Roberto. Thank you for loving me the way you did. I am excited for what's to come for the both of us. You take care of yourself. May you find the love you deserve."
Simula noon, nanatiling tahimik ang dalawa tungkol sa kanilang breakup at naging abala sa kani-kanilang career.
Ngunit kamakailan lang, nagsalita na si Sanya Lopez tungkol sa hiwalayan ng kanyang kapatid at kaibigan.
Sa isang panayam ni Aubrey Carampel para sa GMA Integrated News Interviews, inamin ng Kapuso actress na labis siyang nalungkot para sa dalawa. Nilinaw din niyang hindi pa niya personal na nakakausap ang mga ito tungkol sa breakup.
"Of course, masakit din for me na hindi pala sila 'yung nag-end up together. Pero I respect their decision kasi sila iyon, e. Kumbaga, nandito lang naman ako to support both of them," sabi ni Sanya.
Sa kabila ng nangyari, masaya naman ang aktres sa bagong achievements ng kanyang kapatid. Lalo na't malapit nang matapos ang pinapangarap na bahay ni Jak.
"Nadadaanan ko siya. First time ko nakita, nakakaiyak. Nakaka-proud for him na finally you have your own house and lahat ng mga pinaghirapan niya. Ang cute lang," pahayag ni Sanya.
Dagdag pa niya. "Ang ganda kasi parang dati nakikibahay lang kami, nakikitira lang kami. Tapos now meron siyang sarili niya. I have my own house kasi."
Super grateful din si Sanya na makita ang kanilang success at pagkamit ng kanilang mga pangarap sa buhay. Inalala pa niya ang mga pagsubok na kanilang napagdaanan noon.
"Nakaka-proud, Ate Aubrey, na unti-unti alam mo na nakikita mo na, 'Ah, meron pa lang nangyari sa life namin.' Kasi before, noong bata kami, ang thinking lang namin paano kami makaka-survive? Paano kami kakain tatlong beses sa isang araw? Kung ano man 'yung meron kami, parang ano iyan blessing ni Lord na lang sa amin na maging grateful kami," ani Sanya.
Sa ngayon, mapapanood si Sanya sa pelikulang Samahan ng Mga Makasalanan kasama ang Pambansang Ginoo na si David Licauco.
Samantala, napanood si Jak bilang isa sa mga hurado ng "Sexy Babe" sa fun noontime program na It's Showtime. Nagkaroon naman ng collab sina Barbie at Ivana Alawi sa isang vlog at TikTok dance challenge.
Balikan ang relationship timeline nina Barbie Forteza at Jak Roberto sa gallery na ito: