Jennylyn Mercado recalls first-ever acting assignment: 'Pagseselosan pala 'ko ni Bea Alonzo'
Binalikan ni Jennylyn Mercado ang ilang old videos niya, kabilang ang kauna-unahang TV appearance niya bago pa siya sumali sa StarStruck noong 2003.
Ito ay ang seryeng Kay Tagal Kang Hinintay na ipinalabas sa ABS-CBN noong 2002 hanggang 2003. Pinagbidahan ito nina Lorna Tolentino at John Lloyd Cruz, na gumaganap bilang mag-ina sa serye.
Pagbabalik-tanaw ni Jen, kinuha lang siyang ekstra para sa soap pero hindi niya akalaing si John Lloyd ang makakaeksena niya.
Sa kanilang eksena, nag-iinuman sa bar sina John Lloyd at Jennylyn.
Kwento ni Jen, "'Yung eksena namin ni John Lloyd, ito 'yung pinakauna kong guest appearance. Wala pa ako sa StarStruck noon, so parang ang Tita Becky (manager ni Jennylyn) ang sabi lang e, kailangan ng kaeksena ni John Lloyd."
Parte rin sa nasabing serye ang ngayo'y Kapuso na si Bea Alonzo.
Dugtong ni Jen, "Akala ko naman extra lang ako, maglalakad lang ako ganyan tapos mag-hi or nabangga lang. 'Di ko naman alam na pagseselosan pala ako ni Bea dito with English lines."
Noong 2016, muling nagkatrabaho sina Jennylyn at John Lloyd. Nagtambal sila sa rom-com movie na Just The 3 Of Us.
Samantala, mapapanood si Jen sa bagong rom-com film na pinamagatang Everything About My Wife kung saan kasama niya sina Dennis Trillo at Sam Milby. Ipapalabas ito sa mga sinehan simula February 26.
Magbabalik-serye rin si Jen kasama ang mister niyang si Dennis na mapapanood sa GMA Prime bilang parte ng muli niyang pagpirma ng kotranta sa kanyang home network. Ang 2015 drama na My Faithful Husband ang huli nilang ginawang serye.
TINGNAN ANG ILANG LARAWAN MULA SA CONTRACT SIGNING NI JENNYLYN MERCADO SA GMA KAMAKAILAN.