Ben&Ben, nasa billboard ng Times Square
Makikita ngayon ang album ng folk-pop band na Ben&Ben na Traveller Across Dimensions sa billboard ng Times Square sa New York City.
Nakasama ang album ng Ben&Ben sa digital billboard ng music streaming service na Spotify sa New York para i-promote ang pinakabago nilang album na Traveller Across Dimensions. Ito na ang ikatlong studio album nila pagatapos ng Pebble House Vol. 1 at Limasawa St.
Pinost ng banda ang litrato ng naturang billboard sa Instagram, at may caption na, “Ma, nasa Times square na 'yung album hope to make [you] proud.”
Pinasalamatan rin nila ang naturang music streaming app at sa isang statement, ipinahayag nila kung gaano sila ka-honored na ma-feature sa digital billboard ng Spotify.
“It's a great honor for us to be featured by Spotify on the Times Square billboard for our new album, The Traveller Across Dimensions. We feel a deep sense of gratitude for these rare opportunities to share our music to people from all walks of life,” sabi ng Ben&Ben.
KILALANIN ANG MGA MIYEMBRO NG BEN&BEN SA GALLERY NA ITO:
Unang inilabas ng banda ang kanilang bagong album na Traveller Across Dimensions noong November 29 at simula noon ay nakakuha na ito ng papuri mula sa fans.
Kuwento ni Paolo Benjamin, ang isa sa lead vocalist ng grupo, pinapahalagahan nila ang natatanggap na komento ng mga tao sa kanilang album, at sinabing makakasama nila ang Liwanag, ang tawag sa fans nila, at mga tagapakinig sa pagtahak ng bagong yugto ng kanilang karera.
Samantala, magsasagawa naman ang Ben&Ben ng kanilang kauna-unahang arena concert para ipagdiwang ang tagumpay ng kanilang album na Traveller Across Dimensions sa December 14 sa Mall of Asia Arena.