
Mula sa Apothecary Productions ang isa na namang likhang sining sa direksyon ni Heart Romero ang Emulsyon, na binubuo ng dalawang dula: Loyalist Redux ni Kanakan-Balintagos at Indigo Child ni Rody Vera na tumatalakay sa mga hindi matatawarang marka ng Martial Law sa Pilipinas.
Tinatalakay ng Indigo Child ang mga bakas ng karahasan at sakit na dulot ng Martial Law. Ito ay tungkol sa isang anak na hinaharap ang bigat ng pakikipag-usap sa kanyang ina na dumaan sa electroconvulsive therapy upang malampasan ang sexual abuse.
Isa itong paglalarawan sa tunay na karanasan ni Adora Faye de Vera na ginahasa ng mga militar at ng kanyang asawang si Manuel na nanatiling isang desaparecido.
Ang Loyalist Redux naman ay isang kaabang-abang na dula na nagpapakita ng hidwaan ng henerasyon at ideolohiya sa pagitan ng isang ina (Meryll Soriano) at ng kanyang anak (Elijah Canlas) sa konteksto ng Martial Law.
Si Meryll ay isang matibay na tagasuporta ng rehimeng Marcos na nag-aabang sa pagbabalik ni Imelda Marcos sa bansa. Sa kabilang dako, si Elijah naman ay isang aktibista na pilit na minumulat ang mata ng kanyang ina sa mapait na katotohanan ng mga karahasan ng rehimeng Marcos.
Ang proyektong ito ay ang pagbabalik ni Elijah pagkatapos magpahinga ng anim na taon sa mundo ng teatro. Si Elijah ay gaganap bilang Jerome at anak.
Bukod rito, ang batikang aktres na si Meryll Soriano naman ay nagbabalik sa entablado bilang Felisa at nanay. Si Meryll ay matagal nang kilala sa kanyang mga ginampanan na karakter sa pelikula at telenovela.
Maliban kila Elijah at Meryll, mapapanood rin ang mga aktor na sina Nathan Molina, Dia Papio, Jay Entienza, Ivan Hinggan, at Noelle Polack.
Ang Emulsyon ay ipapalabas na sa Nobyembre 8, 9, 15, 16, 22, at 23, 2 pm at 6 pm sa Erehwon Center for the Arts, Quezon City.