Herlene Budol, balik Afternoon Prime sa 'Binibining Marikit'
Pagkatapos ng revenge drama series na Magandang Dilag, magbabalik na sa Afternoon Prime ang beauty queen at aktres na si Herlene Budol sa upcoming series na Binibining Marikit.
Sa panayam ni Lhar Santiago sa kaniya para sa 24 Oras, sinabi ni Herlene kung gaano siya ka-excited na mas makilala pa ang karakter niyang si Ikit sa nalalapit niyang serye. Ngunit aniya, kasabay nito ang kaba niya sa pagpasok sa bagong proyekto.
“Na-e-excite po ako mas kilalanin si Ikit, at may kaba, may pressure, Titlo Lars, kasi from ' Magandang Dilag,' ibang-iba raw talaga 'to pero natatakot ako na 'Kaya ko bang tapatan 'yung ginawa ko last time?” sabi ng beauty queen-actress.
Makakasama ni Herlene ang kaniyang TiktoClock co-host at premyadong komedyante na si Pokwang na ayon sa beauty queen at aktres, ay siyang nagbalita sa kaniya nito.
Kuwento ni Herlene, “Siya pa ho ang nagbalita sa'kin na 'O, 'nak, ready ka na ba?' sabi niya. Sabi ko, 'Bakit?' 'Bakla ka, ako nanay mo sa palabas mo.' Siya po ang nagbalita sa'kin so parang ako, 'Ha? Hindi nga?' Ganu'n ' yung reaksyon ko.”
BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI HERLENE SA GALLERY NA ITO:
Pinakilala rin sa story conference ang isa sa mga leading men ni Herlene na si Tony Labrusca sa kaniyang unang proyekto sa GMA Network. Ani Herlene, kinikilig siyang makasama ang aktor sa serye, lalo na at nagkakasama na sila sa mga paglabas kasama ng kanilang mga kaibigan.
Bukod kay Tony, meron ding foreign leading man si Herlene at excited na umano siya na makilala at makatrabaho ito.
Panunukso pa ni Herlene, “Ito 'yung tanong diyan e: Pang-ano ba 'ko? Pang Pinoy o pang AFAM? Nasaan ba ang future ni Ikit?”
Nang tanungin naman siya kung ano sa pagitan ng Pinoy o foreigner ang gusto niyang makarelasyon, ang sagot ng aktres, “Kasi minsan na'kong nasaktan ng Pilipino, ba't 'di natin subukan ang AFAM?”
Nitong Biyernes, October 11, ay opisyal nang ipinakilala ang cast ng Binibining Marikit sa naganap na story conference. Mapapanood din sa serye sina Cris Villanueva, Almira Muhlach, Thea Tolentino, Dr. Rob Walcher, Ashley Rivera, John Feir, Jeff Moses, at Migs Almendras.
Idederehe ni Jorron Lee Monroy ang Binibining Marikit na mula sa produksyon ng GMA Entertainment Group.
Panoorin ang buong panayam ni Herlene dito: