Mitzi Josh, gustong maging kontrabida sa serye
“Super-duper fun.”
Ganito inilarawan ng Kapuso singer and actress na si Mitzi Josh ang kanyang naging karanasan sa pinakaunang acting role niya sa dating GMA Afternoon Prime series na AraBella.
Nakasama niya rito si Shayne Sava, na kapwa niya GMA Playlist member, kaya lalong naging masaya ang experience. Pero pag-amin ng singer-actress, may halo ring kaba ang pagkakasama niya sa serye.
“Kinabahan ako kasi 'yung mga kasama kong artista is talagang big stars na; si Miss Nova Villa, si Ate Camille [Prats], Kuya Wendell [Ramos]. So nandun 'yung kaba, nandun yung pressure, pero all throughout naman talagang they guided me,” sabi ni sa exclusive interview ng GMANetwork.com,
Pagpaptuloy pa ng aktres, ipinaramdam ng cast na hindi niya kinailangan ma-pressure at tinulungan pa siya sa ilang mga eksena niya sa serye.
Aniya, “Sobrang nakakatuwa talaga 'yung set ng AraBella kasi parang we became a family. 'Til now, may contact pa rin kami.”
BALIKAN ANG CAST NG ARABELLA SA GALLERY NA ITO:
Para kay Mitzi, isa sa mga pinaka-memorable na nangyari sa set ng AraBella ay ang pagkakabuo ng sisterly bond nila ni Shayne Sava. Bukod kasi sa gumaganap siya bilang best friend ng karakter nito sa serye, roommates pa sila noong naka-lock in taping sila sa Batangas.
“Hindi lang kami naging best friends on the teleserye but of course, outside din, outside work. Ang dami-dami namin na-share, nag-bond talaga kami du'n, 'pag free time, nagbi-beach po kami kasi beach po 'yun, parang beach resort,” sabi niya.
“Ayun, ang dami kong nalaman and nakuwento sa kaniya, and same lang din sa kaniya. Ayun, nakapag-bonding talaga kami ang parang 'yun 'yung isang bagay na binabalik-balikan ko,” pagpapatuloy ng singer-actress.
Kung mabigyan naman siya umano ng pagkakataon pumili ng kaniyang next role, ayon kay Mitzi, gusto niyang maging mataray na kontrabida.
“Kasi 'yung role ko po sa AraBella is sobrang bait niya, but palaban. Pero gusto ko ma-try 'yung mataray na kontrabida kasi parang ang challenging nu'n. But, of course, gusto ko rin ma-try magdrama."
Samantala, abangan ang live performance ni Mitzi sa GMA Playlist sa August 16