Dingdong Dantes, magiging host ng 'The Voice Kids' sa GMA
Mula sa success ng The Voice Generations, muling magiging host si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes ng pinakabagong The Voice Kids sa GMA.
Kuwento ni Dingdong sa 24 Oras, malapit para sa kaniya ang magiging role niya bilang host ng The Voice Kids dahil sanay na siya sa kaniyang father duties sa kaniyang mga anak pero hiling niya na mag-enjoy ang young talents na sasali sa nasabing singing competition.
Aniya, “Sa totoo lang pinagdarasal ko na magampanan ko nang maayos itong role ko rito bilang Daddy Dong and Host kasi siyempre ayaw nating ma-disappoint sila e.”
Dagdag pa niya, “At the very least, gusto nating magkaroon sila ng kakaibang experience. I pray that this will be a memorable experience for our contestants.”
Kamakailan lang nang muling pagtibayin ni Dingdong ang kaniyang relasyon sa GMA Network nang mag-renew siya ng kontrata dito.
Pahayag ni Dingdong noon sa kaniyang contract signing, grateful siya na mabigyan ng platform upang magkapagpasaya ng mga tao sa pamamagitan ng GMA.
Aniya, “Kakaibang happiness, kakaibang joy 'yung naibigay sa akin no'n dahil meron akong stage to showcase my talent. Ang sarap pala ng pakiramdam na meron kang platform to do what you love.”
“Pagkatapos po no'n nagkaroon ng iba't ibang opportunities, nagbukas ang iba pang pinto sa television, nagbukas ang iba pang pinto sa movies, nagbukas ang iba pang pinto sa pagiging isang family man, ang dami pong mga pintuan at chapters na nagbukas,” saad pa ni Dingdong.
Samantala, nauna na ring inanunsiyo na magbabalik din bilang coaches sa The Voice Kids sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, at Stell.
Abangan ang The Voice Kids, malapit na sa GMA.
RELATED GALLERY: The stellar career of Kapuso Primetime King Dingdong Dantes