Filtered By: Showbiz News | News
 Romnick Sarmenta, Sheryl Cruz
source: officialsherylcruz/IG
Showbiz News

Romnick Sarmenta, bakit tumanggi sa comeback movie nila ni Sheryl Cruz?

By Kristian Eric Javier
Si Sheryl Cruz nga ba ang dahilan kung bakit may hindi tinanggap na proyekto noon si Romnick Sarmenta?

Isa sa mga pinakasikat na love teams noon ay ang tambalan nina Romnick Sarmenta at Sheryl Cruz kaya naman hindi malayong ma-excite ang fans tuwing nagkakatrabaho sila.

Noong 2018, isang comeback movie sana ang gagawin nila ngunit tinanggihan ito umano ng aktor.

Sa Updated with Nelson Canlas podcast, sinagot ni Romnick ang isyu tungkol sa naudlot na project nila ni Sheryl. Dito, nilinaw niyang hindi ang aktres ang dahilan ng kaniyang pagtanggi, kundi isang prior commitment.

Aniya, meron siyang ginagawang teleserye noon sa ABS-CBN kaya't sinabi niyang hindi siya puwedeng gumawa ng ibang project, lalo na at nakapirma siya sa kontrata para rito.

“And then it sounded lang na parang, to me, I'm not saying that's what they meant, pero it sounded lang na parang 'Hindi, kailangan niyo 'to, balik-tambalan niyo 'to.' Sabi ko, 'Sorry, kasi may trabaho akong ginagawa,'” pag-alala niya.

Pagpapatuloy pa ni Romnick ay pinipilit umano ng nagpi-pitch ng pelikula na pagkakataon na nila ito para magbalik bilang isang love team. Ngunit ayon sa aktor, pakiramdam niya ay hindi na siya pang love team, lalo na at lima na ang anak niya noong mga panahon na iyon.

“Parang hindi po karapat-dapat at hindi magandang tingnan na mag-love team ako na lima na ang anak ko,” sabi umano niya sa mga nagpi-pitch ng pelikula.

BALIKAN ANG LOVETEAMS AT PAIRINGS NA NABUO NOONG 2023 SA GALLERY NA ITO:

Ngunit pag-amin ng aktor, pwede niya sanang i-consider ang project kung ang pinag-usapan nila ay ang “merit of the story.”

“Kung pinag-usapan natin kung gaano kaganda 'yung kuwento, I would have considered. Pero ang pinag-usapan kasi, kung paano ima-market and kung papaano magda-drum beat, and kung paano gagamitin 'yung love team,” sabi niya.

Para kay Romnick, nakuha na nila ni Sheryl ang karapatan na mamili ng kapareha matapos ang ilang taon nila sa industriya. Dagdag pa ng aktor, pakiramdam niya ay sinasabi sa kaniya noon na kailangan nila ng dating katambal ang isa't isa para muling sumikat.

Nilinaw din ni Romnick na hindi niya habol ang sumikat ulit, at sinabing sigurado siyang hindi rin iyon ang gusto ni Sheryl.

Kuwento ni Romnick, madalas na rin silang nagkatrabaho ni Sheryl sa iba't ibang proyekto, kabilang na ang fantasy series na Mulawin. Na-touch pa siya umano sa GMA na nagsabi muna sila sa kaniya, bago kinuha si Sheryl.

Dagdag pa ng aktor ay nagkatrabaho rin sila ng dating katambal sa isang serye kung saan siya naman ang pinasok sa project, at hiningi naman ang opinyon ni Sheryl ukol dito.

Paglilinaw niya, “Hindi ako humihindi dahil siya (Sheryl), hindi 'yun e. Parang mali 'yung bentahe, 'yung gusto i-push,” sabi niya.

Pakinggan ang buong interview ni Romnick dito:

Trending Articles
NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.