Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco, at Alden Richards, all-out ang paghahanda para sa 'Pulang Araw'
Nagsimula na ang preparasyon ng Kapuso stars na sina Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco, at Alden Richards para sa kanilang pagbibidahang historical drama na Pulang Araw na nakatakdang mapanood ngayong 2024 sa GMA.
Sa magkakahiwalay na panayam sa apat na lead cast ng serye, ibinahagi nila ang kanilang mga ginagawang paghahanda para sa kanilang mga karakter.
Sa panayam kay Sanya sa podcast na Updated with Nelson Canlas, ibinahagi ng aktres kung saan iikot ang kuwento ng Pulang Araw.
Aniya, “Kasi itong show na 'to napakaganda. Habang kinukuwento pa lang sa amin itong story ng Pulang Araw nakakaiyak siya.
“It's not about, love lang e. It's about everything na nangyari nu'ng World War II. So nandun nga po, it's about love, friendship, family, siyempre 'yung pag-asa, hope na kakayanin ba natin 'to? Hanggang saan tayo lalaban para mabuhay? Iyon 'yun e.”
Sa naturang serye, gaganap sina Sanya at Barbie bilang mga Vaudeville stars sa panahon ng mga hapones sa Pilipinas. Kaya naman, masinsinan ang pag-eensayo ngayon ng dalawang aktres sa pagta-tap dancing.
Ayon kay Sanya, hindi biro ang ginagawa ng mga tap dancers na ngayon ay nararanasan nila ni Barbie.
“Ang laki ng respeto namin doon sa mga tap dancers kasi nung ginagawa namin to ni Barbie Forteza, hindi siya ganu'n [kadali]. Sobrang hirap, kailangan coordinated lahat.
“Kailangan imemorize mo rin 'yung kung anong steps kasi nga merong iba't ibang tawag doon sa steps nila. Tapos 'yung kailangan malambot 'yung sa may paa mo, kasi pag mali, nakakaano, masakit sa paa. Iyon talaga nakaka-cramps. Tapos iyon rin kailangan imemorize mo, e, mabilis. So, mabilis dapat 'yung paa doon.”
Dagdag pa ng aktres, “Kaya sabi ko, 'O, my gosh kakayanin ba natin 'to?' Pero sana mabigyan kami ng pagkakataon na maaral talaga namin 'to ng todo-todo ni Barbie, kasi pagbibigay respeto din sa mga tap dancers at sa mga Vaudeville noon, hanggang ngayon naman kung meron pa rin po.”
Ganito rin ang sinabi ni Barbie sa kanyang panayam sa 24 Oras tungkol sa kanilang training ni Sanya.
Kuwento ng aktres, “Hirap na hirap kami [ni Sanya Lopez]. Kailangan tama 'yung footwork mo kasi maririnig e, may sound talaga e, at saka iba 'yung sapatos, medyo matigas siya.”
Bukod naman sa pag-aaral ng Nihongo, magiging dibdiban din ang pagwo-workout ngayon ni David na gaganap bilang isang Japanese soldier sa serye.
“Siyempre kailangan ko pa rin mag-work out, at saka I think may mga barilan,” anang aktor.
Samantala, sa interview ng GMANetwork.com kay Alden, ibinahagi ng aktor na may audio recording na siya ng kuwento ng kanyang lola tungkol sa mga naging experience nito noong panahon ng mga Hapones sa bansa.
Si Alden kasi ay gaganap bilang isang Filipino-American na nabuhay sa panahon ng Japanese occupation sa Pilipinas.
Aniya, “Sa ngayon nagpakuwento na ako sa Lola ko about her experience, meron akong audio recording. So, 'yun kasi 'yung maganda rin na na-pick-up ko about this project nung nasabi rin 'to ni Direk Dom [Dominic Zapata].”
Bukod pa rito, pinag-aaralan na rin daw ni Alden ang kanyang looks at nagri-research tungkol sa mga Amerikano noong World War II sa Pilipinas.
“At the same time, nag-aaral na rin ako ng looks. Niri-resarch ko kung ano ba talaga 'yung status ng Philippines during the Japanese occupation and how the Americans really defended the Filipinos during that time,” ani Alden.
Pinaghahandaan na rin ngayon ng produksyon ang pakikipag-usap sa mga historian at World War II survivors, upang maging siksik ang Pulang Araw sa mga kuwentong tiyak na malapit sa bawat Pilipino, mga kuwentong pamilyar sa lahat kahit hindi man saksi sa naganap na pananakop ng mga Hapones noon.
Ang Pulang Araw ay sa ilalim ng direksyon ni Dominic Zapata at sa panulat ni Suzette Doctolero.
Para sa iba pang detalye tungkol sa Pulang Araw, bisitahin ang GMANetwork.com.