Alden Richards, all-out ang paghahanda para sa 'Pulang Araw'
Papasok pa lamang ang taong 2024 pero nakapila na ang mga bagong proyekto para sa Asia's Multimedia Star na si Alden Richards.
Isa sa mga dapat abangan kay Alden sa bagong taon ay ang kanyang karakter sa upcoming historical action drama ng GMA na Pulang Araw.
Dito ay makakasama ni Alden ang iba pang mga bigating Kapuso stars na sina Barbie Forteza, Sanya Lopez, at David Licauco.
Sa nasabing serye, gaganap si Alden bilang si Eduardo Dela Cruz - isang Filipino-American na nabuhay sa panahon ng Japanese occupation sa Pilipinas.
Sa interview ng GMANetwork.com kay Alden, sinabi ng aktor ang ilan sa mga unang paghahanda niya para sa kanyang role sa Pulang Araw.
Ayon kay Alden, may audio recording na siya ng kuwento ng kanyang lola tungkol sa mga naging experience nito noong panahon ng mga Hapones sa bansa.
Aniya, “Sa ngayon nagpakuwento na ako sa Lola ko about her experience, meron akong audio recording. So, 'yun kasi 'yung maganda rin na na-pick-up ko about this project nung nasabi rin 'to ni Direk Dom [Dominic Zapata].”
Bukod pa rito, pinag-aaralan na rin daw ni Alden ang kanyang looks at nagri-research tungkol sa mga Amerikano noong World War II sa Pilipinas.
“At the same time, nag-aaral na rin ako ng looks. Niri-resarch ko kung ano ba talaga 'yung status ng Philippines during the Japanese occupation and how the Americans really defended the Filipinos during that time,” ani Alden.
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Alden Richards's career highlights
Samantala, mapapanood pa rin ngayon si Alden sa pelikulang A Family of Two (A Mother and Son Story) kasama si Megastar Sharon Cuneta, at 2023 MMFF Best Supporting Actress na si Miles Ocampo.
Bukod naman sa Pulang Araw, abangan din si Alden sa kanyang susunod na pelikula katambal ang Kapamilya sexy actress na si Heaven Paralejo. Sa pelikulang Out of Order, ipapamalas ni Alden ang kanyang kakayahan di lang bilang aktor, kundi sa pagiging direktor.