Euwenn Mikaell, thankful sa pagkapanalo bilang Best Child Performer para sa 'Firefly'
Hindi pa rin makapaniwala ang child actor na si Euwenn Mikaell sa pagkapanalo niya bilang Best Child Performer para sa 'Firefly.' Iginawad sa kanya ang naturang award sa naganap na "Gabi ng Parangal" ng 2023 Metro Manila Film Festival kagabi, December 27.
“Sobrang saya ko po kasi first ko po makahawak ng ganitong award,” pagbabahagi ni Euwenn sa interview niya kayLhar Santiago para sa Balitanghali.
Dagdag pa ng child actor ay hindi naman siya umasa na mananalo siya kaya hindi rin siya kinabahan nang gawin ang announcement.
Nang tanunging si Euwenn kung ano ang naging reaksyon niya nang tawagin siya sa award, ang sagot niya, “Sabi ko, 'Ano? Bakit tinatawag 'yung pangalan ko?' Ta's na-realize ko Best Child Performer.”
BALIKAN ANG NAGANAP NG TRAILER RELEASE NG 'FIREFLY' SA GALLERY NA ITO:
Sa Instagram post, ibinahagi ng ina ni Euwenn na naghanda siya ng speech kung sakaling manalo ang anak, ngunit mas hinanda niya ito kung hindi.
“Niyakap ko sya at sinabi ko na kahit anong result panalo ka para sa'ken kase ginawa mo ang best mo,at sinabi ko na panalo sya sa mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanya,” sulat niya.
Sinabi rin ina ni Euwenn na strong kid naman ang child actor at hindi na kailangan sabihan, ngunit nais lang niyang i-secure ang anak na marami ang nakaka-appreciate sa kaniya at sa kanilang pelikula.
Kuwento pa ng ina ni Euwenn, “So ang siste sa dami ng sinabi ko,pinapaulit nya ulit mula umpisa.. Kaya sabi [ko] nalang..gudlak sayo mamaya,at ang sagot nya...'Ok.'”
Sa hiwalay na interview sa Gabi ng Parangal, ikinuwento ni Euwenn na speechless siya sa kaniyang pagkapanalo dahil ngayon lang siya nagkaro'n ng ganoong award.
Nang tanungin siya kung sino ang mga gusto niyang pasalamatan, ang sagot ng child actor, “Pinapasalamatan ko po especially po si God, at ang GMA Public Affairs, GMA Network, Firefly Family, Sparkle Family, at sa lahat ng nanood.”
Ibinahagi rin ni Euwenn ang kaniyang kahilingan para sa mga manonood, na sana ay makita rin nila ang Isla Alitaptap at matupad ang kanilang mga hinihiling at pangarap.