Filtered By: Showbiz News | News
Aubrey Carampel
Showbiz News

Aubrey Carampel, paano nga ba nagsimula bilang reporter ng GMA?

By Aaron Brennt Eusebio
Alam niyo ba na produkto ng isang reality show si Aubrey Carampel?

Magdadalawang dekada nang napapanood sa telebisyon ang entertainment reporter ng GMA na si Aubrey Carampel pero alam niyo bang nagtrabaho muna siya bilang isang call center agent?

Sa Surpise Guest with Pia Arcangel podcast, binalikan ni Aubrey ang kanyang pagsisimula sa GMA taong 2005.

"Nagtatrabaho ako sa call center, so parang sabi lang ng mommy ko, kasi I took up communication arts nung college, 'Bakit sa call center ka nagtatrabaho?'" kuwento ni Aubrey sa host ng podcast na si Pia Arcangel.

"Dapat nagtatrabaho ka sa isang network, sa broadcast industry, ganyan ganyan. Tapos sakto, nakita ko lang parang may nag-flash na commercial parang, 'naghahanap kami ng entertainment correspondent sa GMA.'

"Sabi ko, 'Ay, teka. Baka parang tinatawag ako ha, ganito nagpasa ako ng resume. Habang nasa call center ako, may tumawag sa akin. Dahil nasa call center ako, hindi ko masyado maintindihan parang, 'balik ka or punta ka dito for an interview.'"

Pagpunta ni Aubrey sa opisina ng GMA sa Timog Avenue, Quezon City, hindi niya alam na ang reality show pala na May Trabaho Ka! sa dating QTV11 (ngayon ay GTV) ang kanyang pipilahan.

Pagpapatuloy ni Aubrey, "Nag-file ako ng leave sa call center tapos pagdating ko dito sa may Timog, sabi ko, 'Grabe naman itong pila. Ang haba naman.' Pila ng interview, tapos nakita ko may mga camera, sabi ko, 'Bakit may camera?'

"'Yun pala, it's for a reality show. Hindi ko alam na ilo-launch pa lang ang QTV," aniya.

Buti na lang ay kasama ni Aubrey ang kanyang ate kaya naman mayroong nag-makeup sa kanya bago sumalang sa tapat ng camera.

"Hindi ako handa, wala akong ayos buti kasama ko ang ate ko, minakeup-an niya ako. Tapos 'yung interview, hindi pala siya interview, kailangan mong mag-present ng isang showbiz news.

"May sample [pero] bilang nasa call center nga ako, wala naman ako masyadong alam, hindi ako masyado nakakapanood ng TV, humiram lang ako ng dyaryo ng tabloid sa katabi ko [para malaman kung] ano bang balita ngayon."

Sa dulo, nanalo si Aubrey sa May Trabaho Ka! at sa ngayon ay nagtatrabaho na bilang entertainment reporter ng GMA Intergrated news.

Pakinggan ang buong panayam kay Aubrey Carampel DITO:

Mapapanood si Aubrey bilang isa sa mga host ng Balita Ko, sa GTV. Mapapanood din siya bilang entertainment reporter sa flagship news program ng GMA na 24 Oras.

Related Videos
NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.