Bianca Umali, emosyonal sa mensahe ni Ruru Madrid sa kanya bilang bagong Sang'gre
Hindi napigilan ni Bianca Umali na maging emosyunal sa surprise message na natanggap mula sa boyfriend na si Ruru Madrid sa story conference ng Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Bukod sa pagbating natanggap mula sa mga dating Sang'gre na sina Glaiza de Castro, Gabbi Garcia, at Sanya Lopez ng Encantadia 2016, nakatanggap din ng mensahe si Bianca mula kay Ruru, na naging parte rin ng Encantadia remake bilang ang hari ng Sapiro na si Ybrahim.
"Avisala! Nais ko pong i-welcome at i-congratulate ang ating bagong Sang'gre, walang iba kung hindi si Ms. Bianca Umali. Congratulations sa 'yo. At sigurado ako na talagang pagbubutihin mo ang bawat eksena na gagawin mo. At palagi mong tatandaan na sobrang proud ako sa 'yo at mahal na mahal kita," mensahe ni Ruru para kay Bianca.
Sa interview ng GMANetwork.com, ibinahagi ni Bianca ang naramdaman sa surprise message na natanggap mula kay Ruru.
"Naiiyak na naman ako," sabi ni Bianca. "Ruru and I are both in good places individually right now. At alam naman niya 'yung mensahe ko sa kanya, alam niya na mahal na mahal ko siya. At alam niya na kung gaano niya ako sinusuportahan, ganoon din ang pagsuporta ko sa kanya."
Sa Sang'gre, makikilala si Bianca bilang Terra, ang bagong tagapangalaga ng Brilyante ng Lupa. Si Terra ang nawawalang anak ni Sang'gre Danaya na lumaki at namuhay sa mundo ng mga tao.
Ang magmamana naman ng Brilyante ng Apoy ay si Faith Da Silva, Brilyante ng Tubig si Kelvin Miranda, at Brilyante ng Hangin si Angel Guardian.
TINGNAN ANG ILANG LARAWAN MULA SA PAGSASAMA-SAMA NG MGA BAGONG SANG'GRE NA SINA BIANCA UMALI, FAITH DA SILVA, KELVIN MIRANDA, AT ANGEL GUARDIAN SA GALLERY NA ITO: