SB19, may bagong proyekto matapos ang 'Pagtatag! World Tour'?
Fresh mula sa kanilang "Pagtatag! World Tour" ng SB19, balik na sa kanyang coaching duty sa The Voice Generations ang multi-talented singer na si Stell.
Matatandaan na muling gumawa ng ingay ang tinaguriang P-pop Kings na SB19 sa Amerika kamakailan dahil sa kanilang mga performances sa ilang mga lugar dito at ilang guest appearances sa ilang television shows doon.
Sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com, nagkuwento si Stell ng kanilang experience sa nasabing world tour kasama ang fellow SB19 members.
Aniya, “'Yung 'Pagtatag! World Tour' sobrang exhausting siya, very tiring pero sobrang worth it 'yung pagod and 'yung mga travel namin kasi bukod sa na-e-enjoy namin 'yung performance, it's the experience na talagang nabaon namin for the whole tour.”
Dagdag pa niya, “Iilan lang 'yung artists na nabibigyan ng opportunity and kami sobrang malaya kami na i-express [ang mga sarili namin] kung sino kami as artists and ipalaganap hindi lang 'yung music namin kung 'di pati 'yung OPM so we have that chance and opportunity kaya dapat talaga i-grab namin.”
Ayon kay Stell, masayang-masaya sila ng kanyang mga kagrupo sa mainit na suporta at pagtanggap sa kanila ng kanilang fans na kung tawagin ay A'TIN.
“We're just really happy. We're very excited pa sa mga next na ganap namin and we're very overwhelmed po sa mga support not only to the Filipino fans but also to other foreign fans na talagang gusto pang kilalanin si SB19.”
Tila may pahiwatig naman si Stell sa susunod na proyekto ng SB19 matapos ang "Pagtatag! World Tour."
“Kaya gusto kong magpasalamat sa inyo and watch out for other projects and tours na puwedeng mangyari in the future,” ani Stell.
Mapapanood si Stell bilang isa sa coaches ng The Voice Generations sa GMA kasama sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, Chito Miranda, at host nito na si Dingdong Dantes.
Samantala, sa pagpapatuloy ng blind auditions ng The Voice Generations, isang grupo na lang ng talents ang hinihintay ni Stell upang makumpleto ang kanyang team na Stellbound na dapat abangan ng fans.