Dingdong Dantes, nagsimula na sa taping para sa pelikulang 'Firefly'
Nagsimula nang sumabak sa taping si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes para sa bagong pelikulang Firefly.
Ayon kay Dingdong, "love at first read" ang una niyang naramdaman nang mabasa ang script at konsepto ng pelikulang Firefly, na produce ng GMA Public Affairs para sa GMA Pictures.
"Kung gaano ka-colorful lalabas ang pelikula kasi it talks about fireflies. Maraming elemento ng pambata, maraming elemento ng pagiging fantasy," pagbabahagi ni Dingdong sa panayam kay Lhar Santiago ng 24 Oras.
Pre-pandemic pa nang simulang planuhin ang pelikula na sasailalim sa direksyon ni Zig Dulay. Sa ngayon, nakapagsimula nang mag-shooting ang aktor kasama si Sparkle actress Max Collins.
"Kaya maganda na nakahanap sila ng perfect timing to do it now. I'm sure ang dami ng dinaanang mga revisions, ang dami ng dinaanang mga challenges, at panahon," dagdag ng aktor.
Para kay Dingdong, "napakagaan at napakaganda" ng vibes sa set ng nasabing pelikula. Masaya rin siya na makasama sa Firefly ang iba pang mga aktor na nakakatrabaho niya sa telebisyon.
Excited din ang aktor na ma-enjoy ng mga anak niyang sina Zia at Sixto ang pelikula, na aniya'y hindi pa nakakakita ng totoong firefly o alitaptap.
"Very, very soon maglalabas din ang GMA ng children's book na tungkol sa kuwento so hindi lang nila mapapanood, talagang mababasa pa nila gabi-gabi ito sa kanilang mga tahanan," sabi niya.
Samantala, isinasabay naman ni Dingdong ang pelikula sa shoot ng pinagbibidahang serye sa primetime, ang Royal Blood.
"Every day kasi curious din kami sa nagiging feedback at reaksyon ng mga manonood dahil pati kami sa set ay very engage. Thank you sa inyong suporta gabi-gabi," pasasalamat ng aktor.
Abangan si Dingdong sa Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
Panoorin ang buong panayam ni Dingdong Dantes kay Lhar Santiago ng 24 Oras sa video na ito: