Juancho Trivino, muling makakasama nina Barbie Forteza at David Licauco sa serye via 'Maging Sino Ka Man'
Ipinakilala na ang mga artistang makakasama nina Barbie Forteza at David Licauco sa bago nilang seryeng pagbibidahan na Maging Sino Ka Man.
Sa ginanap na story conference ng upcoming GMA drama ngayong Miyerkules, July 5, dumalo ang supporting cast members nito kabilang na si Juancho Triviño, na nakilala bilang Padre Salvi sa hit Kapuso primetime series na Maria Clara at Ibarra, na kinatampukan din nina Barbie at David.
Ayon sa aktor, masaya siya na muli niyang makakasama sa isang proyekto sina Barbie at David, na nakilala bilang FiLay sa historical portal fantasy serie, na this time na nakabatay sa modernong panahon.
"Happy ako na may continuity and, siyempre, komportableng-komportable na kami sa isa't isa so ibang character lang, iba ang approach lang namin sa project perong haping-happy lang kami," bahagi ni Juancho sa panayam ng GMA entertainment reporters.
Ang Maging Sino Ka Man ay TV adaptation ng iconic film na may parehong pamagat na ginawa nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.
Nakakaramdam ba si Juancho ng pressure na makumpara ang kanilang serye sa pelikula na ipinalabas noong 1991?
Sagot niya, "Meron pero lahat naman ng project na ginagawa namin, may certain amount of pressure.
"Lalo na ako, mas gusto kong nagfo-focus sa factors that I can control so when I'm on the set, siyempre, 'yung passion na ibinubuhos namin para sa show, mas lalamang kaysa do'n sa pressure."
Lubos na nakilala si Juancho sa kanyang pagganap bilang Padre Salvi sa Maria Clara at Ibarra. Bukod kasi sa pagiging malupit na Kastilang prayle, tumatak din ang kanyang tonsure na tila ba panot kung tingnan. Ang tonsure ay ang pag-aahit ng bahagi ng ulo bilang simbolo ng pagpapakumbaba ng isang taong papasok sa pagpapari.
Mapapanood ba si Juancho sa kanyang normal na hairstyle sa kanyang bagong serye?
Mabilis niyang tugon, "Oh yes. Sabi nila promise nila sa 'kin ito na talaga 'yung buhok ko."
Makakasama rin nina Barbie, David, at Juancho sa Maging Sino Ka Man sina Faith Da Silva, Mikoy Morales, at Rain Matienzo.
Parte rin ng cast ang mga batikang artista na sina ER Ejercito, Jeric Raval, at Ms. Jean Garcia.
SAMANTALA, TINGNAN ANG FATHER-AND-SON MOMENTS NINA JUANCHO AND ALONSO ELIAM DITO: