Marian Rivera, mixed emotions sa kanyang pagbabalik primetime sa GMA
Matapos ang apat na taon, muling mapapanood ang nag-iisang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa GMA Telebabad.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkasama-sama ang stellar cast ng bagong seryeng pagbibidahan ng batikang aktres sa naganap na story conference ngayong Martes (June 6).
Sa interview ng GMANetwork.com kay Marian, ibinabahagi ng aktres ang halo-halong emosyon na nararamdaman sa kanyang pagbabalik primetime.
“Mixed emotions ako, e kasi after four years magbabalik ako sa primetime. So medyo mangangapa ako sa lahat ng mga gagawin ko rito sa taping,” pagbabahagi niya.
Ayon kay Marian, tinanggap niya ang proyektong ipinagkatiwala sa kanya dahil sa perfect timing at magandang kuwento ng bagong serye. Bukod dito, magbabakasyon na rin daw ang kanilang mga anak ni Royal Blood star Dingdong Dantes na sina Zia at Sixto.
Aniya, “Perfect timing, very good project, and 'yung mga anak ko magbabakasyon so it's about time siguro na mas kakayanin ko 'yung separation anxiety namin.”
Ibinahagi rin ni Marian ang kahalagahan ng time management ngayong pareho sila ng kanyang asawa na nagbabalik primetime.
“Important 'yan, time management talaga. May mga pinag-uusapan kami ni Dong [like] how to handle the situation, 'yung mga bata kung sino mag-aalaga, at ang maganda niyan kasi, magbabakasyon na 'yung mga anak ko from school. So talagang ito 'yung perfect timing for me na makapagtrabaho na wala silang pasok,” saad niya.
Nagbigay rin ng patikim si Marian tungkol sa kanyang bagong serye at sa role na gagampanan niya. “Ang maganda kasi original story siya. Bago para sa akin, at first time kong gagampanan 'yung character, 'yung second character. So 'yun ang bibigyan kong buhay, kung paano ko siya gagawin at mas kapani-paniwala,” kuwento niya.
Makakasama ng primetime queen sa upcoming series na ito sina Gabby Concepcion, Max Collins, Gabby Eigenmann, Raphael Landicho, Buboy Villar, Kiray Celis, Caitlyn Stave, at Josh Ford.
Ayon kay Marian, excited na siya na makasama ang kanyang co-stars dahil karamihan sa mga ito ay first time niyang makakatrabaho.
“Very excited ako at the same time, mga bago ko silang makakatrabaho. So first time ko halos lahat makakatrabaho. Looking forward ako sa aming first day kung ano mangyayari sa amin,” saad niya.
Abangan ang pinakabagong serye ni Marian Rivera, soon sa GMA.
SAMANTALA, BALIKAN ANG MGA NAGING SAKRIPISYO NI MARIAN RIVERA PARA SA KANYANG ROLES SA IBA'T IBANG GMA TELESERYE SA GALLERY NA ITO.