Michael V. is 'getting better' from COVID-19
Nitong July 20 ay kinumpirma ng multi-awarded comedian at creative director na si Michael V. na nagpositibo siya sa COVID-19.
Inanunsiyo niya ito sa pamamagitan ng kanyang YouTube vlog na “Bitoy Story 29: POSITIVE.”
Agad namang bumuhos ang simpatya at dasal para sa Comedy Genius nang malaman ng publiko na tinamaan siya ng virus.
Sa eksklusibong panayam ng 24 Oras, pinasamalatan niya ang mga taong nagpapakita ng suporta sa kanya.
“Actually, mahirap talaga. Malungkot talaga and 'di n'yo alam kung anong pagpapasaya 'yung naidulot n'yo sa buhay ko.
"'Tsaka 'yung mga dasal n'yo, I think it's very effective,” aniya.
Sa kasalukuyan, naka-isolate pa rin si Michael V. mula sa kanyang pamilya at patuloy ang pagpapalakas at paglaban sa COVID-19 symptoms nang sa gayon ay tuluyang maka-recover sa sakit.
“Hot lemon and ginger, 'yun 'yung iniinom ko. Basta kahit anong advice nga nu'ng mga kakilala naming, tina-try na namin. Wala namang mawawala.
“Madalas din akong naglalakad kasi mahirap din daw 'yung kapag lagi kang nakahiga at palagi kang nakaupo.
"Basta be active pero hindi sobra to the point na papagurin mo 'yung sarili mo,” aniya.
Ayon pa sa komedyante, mas bumubuti na ang kanyang pakiramdam.
“Mabilis pa rin akong mapagod although hindi naman ako nahihirapang huminga.
"'Yung pagod ang medyo mabilis. I am getting better. Hindi pa rin 100 percent pero we're getting there,” dagdag pa niya.
Samantala, habang nagpapagaling ay may fake news na lumabas ukol sa kanya umanong pagkamatay.
Ikinalungkot ito ni Michael V at pinabulaanan.
“Maraming salamat dito sa interview na 'to, at least, makukumpirma na nila.
"Actually, ang nakakainis pa nu'n, mine-message ako directly, tinatanong ako. Hindi ko malaman kung sasagutin ko ng ghost emoji o ano, e,” lahad niya.
Sa bahay nagpapagaling si Michael V, sa kwartong puno ng kanyang memorabilia at mga koleksyon, na aniya ay nagsasalaysay din ng kanyang talambuhay.
Ngunit sa kabila nito, tila naging meaningless umano ang lahat.
“Lahat naman ng kailangan ko, lahat naman ng gusto ko nandito. Parang naging meaningless lahat. The only thing I needed was my family,” sabi pa niya.