Filtered By: Showbiz News | Family
Marian Rivera, Zia Dantes, Sixto Dantes
Source: marianrivera/IG
Showbiz News

Marian Rivera, hinihingi ang opinyon nina Zia at Sixto bago tanggapin ang endorsements

By Kristian Eric Javier
Updated On: July 5, 2024, 12:18 PM
Alamin kung ano ang pamantayan nina Zia at Sixto Dantes sa paggawa ng endorsements.

Isa ang pamilya nina Kapuso Royalties Marian Rivera at Dingdong Dantes sa mga pinagkakaguluhan para sa family endorsements ngayon. Maging ang mga anak nilang sina Zia at Sixto ay tumatanggap na rin ng mga proyekto.

Ngunit ayon kay Marian, hinahayaan nilang mamili ang kanilang mga anak ng i-e-endorse na produkto.

Sa interview ni Marian sa online entertainment show na Marites University, sinabi niyang meron na ring tinatanggihan na endorsements ang anak niyang si Zia. Kuwento niya, tinatanong nila ang kanilang anak kung gusto ba nitong gawin ang commercial para sa isang produkto. At 'pag sinabi nitong hindi ay hindi na nila tatanggapin.

Paliwanag ni Marian, “Sabihin na lang natin ganito, kapag alam niyang hindi niya pinaniniwalaan 'yung produkto, hindi niya tatanggapin. Kung hindi niya kinakain o hindi niya favorite, sabi niya, 'Mama, how can I eat that in the commercial? I don't like it.'”

Ganito rin umano ang ginagawa nila para kay Sixto at tinatanong din kung gusto ba nito gawin ang commercial para sa isang produkto.

Kwento niya, “Sabi ko du'n sa produkto, 'Pwede niyo ba ipadala sa bahay, ipapatikim ko sa anak ko? Ngayon kung pasado sa anak ko, babalitaan ko kayo.'”

“E na-approve ng anak ko. Sabi niya, 'I like this, mama.' Binaon pa sa school. Okay! Sabi ko, 'I-shoot na 'yan!'” pagpapatuloy niya.

TINGNAN ANG ILAN SA SWEETEST SIBLING PHOTOS NINA ZIA AT SIXTO SA GALLERY NA ITO:

Tungkol naman sa pag-aartista, sinabi ni Marian na hindi niya sasabihing hindi papasok ang kanilang mga anak sa showbiz, pero nilinaw na maaaring “sa ibang larangan.”

“For example si Zia, very active siya sa sports, kumakanta sa school, sumasayaw, so ang daming activities na pwede at exposed sila sa ganun. Si Sixto din, more on craft, more on imaginary, drawing, and creative sobra,” sabi niya.

Pero sa huli, ang importante umano kina Marian at Dingdong ay matapos muna nila ang kanilang pag-aaral. Sa oras na magtapos sila, “kung anong karera ang gusto niyo, 100 percent kami ni Dada sa inyo, susuportahan namin kayo.”

Samantala, abangan ang upcoming Cinemalaya film ni Marian na Balota. Ito ang kauna-unahang pelikula ng aktres sa nasabing film festival.

Trending Articles
NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.