Kapuso stars, nakisaya sa iba't-ibang regional fiestas
Mula Luzon hanggang Mindanao, hindi nagpahuli magpasaya ang mga Kapuso star dahil nakiisa sila sa mga makukulay na selebrasyon.
Ayon sa ulat ng Chika Minute nitong Martes, March 11, nakisayaw at naki-food trip ang Binibining Marikit stars na sina Herlene Budol at Kevin Dasom, MAKA star na si Shan Vesagas, at Lolong stars na sina Paul Salas at Luke Conde sa mga fiesta sa Iloilo at General Santos City.
Bumisita si Herlene at Kevin sa Paraw Regatta Festival para makisayaw at game din sila na nagsuot ng Sinamba head dress.
"One of the highlight events of the Paraw Regatta Festival is the Sinamba sa Regatta," ikinuwento ni Herlene.
Dagdag ni Kevin, “Sayawan ito kaya siyempre hindi kami magpapahuli diyan.”
Maliban sa patuloy na pagpapasaya ng mga paboritong Kapuso stars, nagbigay naman ng trivia si Shan patungkol sa Paraw Regatta Festival.
"Mga Kapuso! Alam [n'yo] po ba na ang Paraw Regatta ang itinuturing na oldest traditional craft event here in Asia and ito po ang pinakamalaki dito sa Pilipinas," sabi ng MAKA actor.
Nag-perform at nagpakilig din ang mga Kapuso star sa Villa Beach.
Hindi napigilan ng Kapuso celebrities na matuwa sa mainit na pagtanggap ng mga tao.
"Sobrang saya niyong kasama," ibinahagi ni Herlene.
Sabi naman ni Kevin, "I just heard that Iloilo is a city of love and if that's true, I did feel it on stage."
Bumida naman sina Paul at Luke sa 16th Bulad Festival sa Barangay Kalumpang, General Santos City.
Naging espesyal ang fiesta dahil nanguna ang mga Lolong stars sa pagtikim sa mga inihaw na isda.
“Isa pa siya sa trademark ng festival ngayon kaya sobrang sarap. At saka talagang nagkamay na kami dito," pagbida ni Paul sa mga bulad o tuyo.
Ikinuwento ni Luke, "Masarap lalo na 'yung fish. Sabi nila hindi daw marinated 'yung fish pero sobrang malasa.”
Panoorin ang buong balita Rito:
SAMANTALA, TINGNAN NAMAN DITO ANG MGA KAPUSO STARS NA NAGHATID NG SAYA SA NAGDAANG PANIQUI FESTIVAL