Jason Abalos, binigyan ang sarili ng 'bunot' quarantine hairstyle
Sariling sikap si Kapuso actor Jason Abalos sa paggupit ng sarili niyang buhok ngayong nasa ilalim pa rin ng enhanced community quarantine ang Luzon.
Dahil hindi makabisita sa barbero, siya na mismo ang gumupit ng sarili niyang buhok. Sinimulan daw niya pagbabawas ng kanyang bangs.
Ibinahagi niya sa Instagram ang kanyang 'bunot' quarantine hairstyle at idinagdag na nasi niyang maging kamukha si Captain Ri, ang karakter ni Hyun Bin sa hit drama series na Crash Landing on You.
Hinikayat pa niya ang kanyang followers na tawagin siyang "oppa."
"Ginupitan ko bangs ko para kamukha ko na si Capt Ri! Tapos sinadya ko na antok na antok na din ako para magmukhang singkit! Pwede nyo na nga pala ako tawagin na Oppa mula ngayon. Ayos, tapos na ang laban! apir," biro niya.
Bukod dito, makikita ring lubos nang tumubo ang kanyang facial hair.
Bukod kay Jason, marami pang ibang celebrities ang sa bahay na lang nagpagupit ng kanilang mga buhok.
Kabilang na dito sina Dingdong Dantes, na ginupitan ni Marian Rivera at si Nico Bolzico na inahitan naman ni Solenn Heussaff.