WATCH: Sabrina M, Krista Miller at ibang pang naarestong modelo, pinagtanim ng gulay
Patunay raw ito na walang VIP treatment sa mga nadakip na showbiz personalities.
Gaya ng ibang ordinaryong preso, pinagtanim ng gulay sina Sabrina M, Krista Miller at iba pang naarestong modelo na sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Pinagbungkal ng lupa at pinag-alis ng damo sa taniman sa tapat ng kanilang detention cell habang nakabilad sa arawan ang mga nakakulong na celebrities. Bahagi ito ng Quezon City Police District (QCPD) detainees program sa Camp Karingal. Ito ay patunay rin daw na walang VIP treatment na ibinibigay sa mga nadakip na showbiz personalities.
Kuwento ng naarestong si Liaa Alelin Bolla, “Ako naman kasi laki ako sa province kaya medyo sanay din dyan.”
Sambit naman ni P/Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, “Hindi naman natin pinapahirapan pero para makita rin nila ‘yung essence ng… Well, actually nakatulong din sa kanila kasi mas gumaganda pakiramdam nila part na nawawala na siguro ‘yung tama nila sa paggamit ng iligal na droga, tanggap na nila sitwasyon nila.”
Sa parehong ulat sa 24 Oras, ipinaliwanag nina Liaa at Jem Milton ang naging paggamit nila sa ipinagbabawal na gamot.
Ani Jem, “Tao lang pero parang hindi like hooked doon. Gusto lang i-try tapos ‘yun na.”
“Nakakatulog ako habang nagda-drive so ‘yun ‘yung ginawa kong drug para magising ako every time nakakatulog ako. Nakakatulog ako sa stop light, nakakatulog ako sa gasoline station. Lagi ‘yan. So ang ginamit ko talaga, shabu,” pahayag naman ni Liaa.
Muling naging emosyonal naman si Sabrina M nang magpaabot ito ng mensahe. Iginiit niyang gumamit lamang siya ng droga at kailanma’y hindi nagtulak, isang bagay na nais niyang malinaw alang-alang sa kanyang mga anak.
Aniya, “Mahal na mahal na mahal kayo ni Mommy. Alam kong mahal na mahal din ninyo ako. Alam ko gusto niyo na rin ako makasama, ako ganoon din. Gustong gusto ko na rin kayo makasama. Miss na miss ko na kayo. Kapit lang mga anak.”
Samantala, tumangging magbigay ng pahayag si Krista.
MORE ON CELEBRITIES INVOLVED IN DRUGS: