Filtered By: Celebrity Life | Relationship
sharon and gabby
@reallysharoncuneta on Instagram
Celebrity Life

Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, litaw na litaw pa rin ang chemistry!

Kilig ang hatid ng ex-couple na sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion nang magkrus ang landas nila sa media conference ng upcoming concert nilang Dear Heart kahapon September 15.

Hiwalay dapat na haharap sa entertainment media sina Sharon at Gabby dahil ang plano ay magkikita lamang sila sa araw ng kanilang concert sa October 27 sa Mall of Asia Arena.

Subalit, dahil napahaba ang pakikipagkuwentuhan ni Gabby sa press, nagpang-abot sila ni Sharon sa Glass Ballroom sa Okada Manila sa Parañaque City.

“Hello, everybody!” pambungad na bati ni Sharon nang samahan niya sa stage ni Gabby.

Sabi naman ng huli sa media, “Uy, first time! Take a picture. First time kong mahahawakan ang kamay niya, o! First time, first time!”

Kasunod nito ay inabutan ng aktor si Megastar ng bouquet of flowers, “Bago ang lahat, alam mo binili ko sa Quiapo ito kanina."

Sagot naman ni Sharon, “Thank you so much. Thank you sa ating producers."

Pagkatapos ay maiksing ikinuwento ni Gabby sa kanyang dating asawa at ka-love team, “Sabi ko sa kanila kanina, aalis ako dito at baka hindi tayo magkita.”

Sabay request niya kay Sharon, “Puwede bang mag-hug bago ako umalis?” na sobrang ikinakilig ng mga entertainment media na fans ng dalawa.

Bago magpaalam sa media, humirit muna ang nakatatawang introduction si Gabby para kay Sharon.

“Uulitin ko yung sinabi ko noon, ladies and gentlemen, on stage, I give to you, Ms. Sharon...," sabay bitin sa pagbanggit ng apelyido ng singer-actress.

Natatawang dugtong ni Gabby, "Concepcion nung araw ito, e," bilang pagtukoy sa ginagamit ni Sharon noong mag-asawa pa sila.

Natawa naman ang huli at may paghampas pa ng mga bulaklak kay Gabby.

Patuloy naman ng aktor, "Sharon na lang! I'll see you in the concert.”

At bago tuluyang umalis sa stage, sabi ni Gabby kay Sharon, “Pa-kiss ulit,” na umani ng tili mula sa press.

Pagkatapos ay pabiro siyang humirit, “One more, sa lips naman!” Pero bigla niyang binawi, “Biro lang po.”

Huling nakitang magkasama nina Sharon at Gabby nang kantahin nila ang "Come What May" sa 12th Gabay Guro grand gathering, na ginanap sa Mall of Asia Arena noong September 12, 2019.

Ayon kina Sharon at Gabby, magkahiwalay silang nagre-rehearse para sa concert kahit sa duets nila. Gusto raw kasi nila ipakita sa mga manonood ang unang reaksiyon nilang dalawa sa muling pagkikita nila sa concert.

“Sa concert na lang kami magkikita para ang reaction namin dun is raw,” ani Gabby.

Ayon pa kay Gabby, excited siyang gawin ang Dear Heart concert para sa fans nil ani Sharon.

“Kasi, sila naman talaga ang nag-umpisa sa amin. Kahit wala akong kitain dito, mas magandang maibalik natin sa kanila.”

Samantala, tingnan ang mga lumang larawan nina Sharon at Gabby rito:

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.