Dennis Trillo at Jennylyn Mercado, magiging abala ngayong Pasko
Kahit na magiging abala ang Pasko nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado, sinigurado nilang may oras pa rin sila para sa isa't isa.
Bukod kasi sa nalalapit na pagtatapos ng hit historical drama series na Pulang Araw, pinaghahandaan din ng aktor ang pelikulang Green Bones, na tampok sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.
Kahit magtatapos na ang nabanggit na GMA Prime series, masaya naman umano si Dennis para sa nagawa nilang proyekto.
“Masaya 'yung pakiramdam dahil bakagawa kami ng isang proyekto na malalaman mo 'yung history ng pagkatao mo, ng pagiging Pilipino,” sabi ni Dennis sa panayam sa kanila ni Nelson Canlas para sa 24 Oras Weekend.
Kuwento pa ng aktor, kahit sa mismong araw ng Pasko, December 25, ay magiging abala siya sa pag-iikot-ikot sa mga sinehan para sa MMFF entry nila ni Ruru Madrid na Green Bones.
“Sa Christmas day, mag-iikot-ikot talaga kami sa mga sinehan para bisitahin 'yung mga sinehan, magbenta rin siguro ng tickets,” sabi ng aktor.
Full support din si Jennylyn dito, at inalok pa ang asawa na sasamahan niyang magbenta ng tickets.
Pahabol ni Dennis, “Abangan niyo kami sa mga ticket booths.”
BALIKAN ANG NAGDAANG JAPAN TRIP NG PAMILYA NINA DENNIS AY JENNYLYN SA GALLERY NA ITO:
Samantala, matapos maging hands-on mom, magiging abala naman si Jennylyn sa mga negosyong kanyang itinayo, kung saan full support ang asawa niyang si Dennis. Sabi ng Ultimate Star ay marami na rin siyang natutunan sa pagnenegosyo.
“Na-experience ko na rin 'yan, hindi natin maiiwasan, merong mga manloloko sa 'yo, meron mga magte-take advantage,” pagbabahagi ni Jennylyn.
Ngunit kahit abala sa kani-kanilang proyekto, mapa-showbiz man o business, hindi pa rin umano dapat nawawala ang oras nilang mag-asawa pa sa isa't isa. Katunayan, ani Jennylyn, ay nakapagsingit pa sila ng isang out of country trip.
“Medyo puno 'yung December niya pero nagsingit pa kami ng isang out-of-the-country [trip] bago mag-Christmas pero kami lang munang dalawa. Parang date lang, takas muna, takas,” natatawang kwento ng aktres.
Dagdag pa ni Dennis, “Quality time naman naming dalawa. Mabilis lang, ilang araw lang 'yun.”
Panoorin ang buong panayam nila Dennis at Jennylyn dito: