Kristoffer Martin, aminadong may 'magic of marriage' sila ni AC Banzon
“Talagang nakakabago siya ng perspective sa buhay.”
Sa ganiyang paraan inilarawan ni Makiling star Kristoffer Martin ang buhay niya ngayon na may pamilya na siya.
Sa Surprise Guest with Pia Arcangel podcast, sinabi ni Kristoffer kung papaano nabago ng pagkakaroon ng pamilya ang kaniyang buhay.
Ayon pa sa aktor, “Before po, ang alam mo, sarili mo lang, gusto mo happy-happy, ngayon iniisip mo na 'yung asawa mo, 'yung anak mo.”
“Kumbaga dati, desisyon mo lang 'yung masusunod, ngayon, kailangan iisa 'yung direksyon ng desisyon niyo e, hindi pwedeng desisyon ko lang,” sabi nito.
Dagdag pa ni Kristoffer ay naging mas matured din siya simula nang ikasal sila ng asawa niyang si AC Banzon.
Kuwento ni Kristoffer, una silang nagkakilala ni AC noong nag-aaral pa lang siya sa college at kung ilalarawan niya raw ito, masasabi niyang firm si AC sa mga bagay na gusto o ayaw niya. Ito mismo ang nagustuhan niya sa kaniyang napangasawa.
Aminado ang actor na hindi naman siya talaga nanliligaw noon ngunit para makuha niya ang loob ni AC ay ginawa niya ito. Umabot ng six months ang panliligaw niya bago niya nakuha ang matamis nitong oo.
Walong taon silang magkarelasyon bago nagpakasal noong February 2022.
Kahit pa matagal na silang mag-boyfriend at girlfriend ni AC ay nag-iba pa rin ang kanilang pagsasama nang ikasal sila.
“Kasi may magic 'yung marriage e. Right after po nung kinasal kami, ang gaan bigla.”
BALIKAN ANG KASAL NINA KRISTOFFER AT AC SA GALLERY NA ITO:
Kung dati ay gusto niyang nag-aaway sila para hindi sila mag-usap at makalabas siya ng bahay, ngayon ay hindi na siya umano nakakatagal na magkaaway sila.
“Magso-sorry po agad ako. Tumatagal lang kasi parang siya naman 'yung kailangan muna ng space. Tapos hindi po namin tinatapos 'yung araw na hindi kami ok,” sabi niya.
Pagdating naman sa kaniyang anak na si Prè, masasabi niyang hands-on talaga siya rito.
“Sobrang mahal ko lang po talaga 'yung anak ko. Nung nasa stage ako ng transition, may mga nagtatanong na sa akin, 'yung mga wala pang anak o 'yung ibang magkakaanak pa lang, 'Mahirap bang maging tatay?' Sabi ko, 'hindi.'”
Pagpapatuloy niya, “Mahirap siya kung sasabihin ko sa'yo, pero 'pag ginagawa mo siya, lalo na kung ginagawa mo siya para sa taong mahal mo, hindi siya mahirap, masarap pa siya.”
Pakinggan ang buong interview ni Kristoffer dito: