EXCLUSIVE: Hidilyn Diaz, naghahanda na for Tokyo 2020: "Malaki po ang chance natin"
Malaki ang pasasalamat ni Asian Games champion and Rio Olympic silver medalist na si Hidilyn Diaz para sa karangalan na mapiling People of the Year 2018-2019 ng People Asia Magazine.
“Na-feel ko na special ako as a person, as a Filipina, and as an athlete,” sabi ni Hidilyn sa kaniyang panayam sa GMANetwork.com kagabi sa Marriott Hotel.
“Kasi na-recognize nila yung na-contribute ko, 'tsaka parang nakita nila yung lahat ng hard work ko sa training. Grateful ako na naging part ako ng People of the Year 2018-2019.”
Magkahalong excitement at kaba ang nararamdaman ng champion weightlifter dahil nalalapit na rin ang mga kumpetisyon na kaniyang dapat salihan para lang mag-qualify para sa Tokyo 2020 Olympic Games na gaganapin sa Hulyo 2020.
“This year I have three competitions, mga qualifying competitions for Tokyo 2020. Nandiyan yung Asian Championships, World Championships, then SEA Games.
Pinapangako ni Hidilyn na gagawin niya ang lahat para makakuha ng magandang placement sa mga kumpetisyong ito.
“In every competition, I will do my best. Kailangan ko kasi manalo para makapag-qualify sa Tokyo 2020. Kailangan ko po ma-Top 8 in the World.
"Right now, may chance naman ako. Nahirapan lang ako no'ng November.”
Ang tinutukoy ni Hidilyn ay ang nakaraang 2018 International Weightlifting Federation (IWF) World Championship na ginanap noong Nobyembre 2018 sa Ashgabat, Turkmenistan.
Sa naturang kumpetisyon, nakamit ni Hidilyn ang 11th place.
“Dahil nahirapan ako do'n, gusto ko pagtrabahuhan at galingan sa training.
"Hopefully, sa April makapag-Top 8 or Top 3. Gusto ko talaga mag-Top 3 sa next competitions na mangyayari every six months.”
Positibo si Hidilyn na mataas ang tsansa niya na masungkit ang kaunahang-unahang Olympic Gold ng Pilipinas sa Tokyo 2020, lalo na't ang gold medalist ng Rio 2016 na si Hsu Shu-Ching ng Chinese-Taipei ay retired na.
Ang tanging balakid na kailangan niyang malampasan ay ang hirap ng raining na mangyayari sa mga susunod na buwan.
“Please, please, please pray for me, for the journey na kailangan kong tahakin, na ma-survive ko po yung training. Mahirap kasi ang proseso, madali na lang yong moment kasi ibibigay naman 'yon sa 'yo ni Lord kung para sa 'yo talaga.
“Sana hindi ako mag-give up sa gitna ng hirap ng training, sa pagod, sa lahat ng intriga, negativity. Sana si God ang mag-uplift sa puso ko at sa kung ano man ang goal ko sa buhay.
“Naniniwala ako na with God, nothing is impossible.”
Hindi maitanggi ni Hidilyn na ngayon pa lang, nararamdaman na rin niya ang pressure.
“Oo, lalo na yung sa Olympics. Lahat nag-e-expect na mananalo ako ng gold.
“Lahat ng atleta pangarap 'yan. Pero ako mismo, naniniwala sa sarili ko at ginagawa ko ang lahat para manalo tayo.
“Right now, sa journey ko towards Tokyo 2020, kine-claim ko na, mananalo ako ng gold medal!”
LOOK: Hidilyn Diaz, effortless ang pagbubuhat kay Luane Dy!
Asian games golden girl Hidilyn Diaz also wins at love