Celebrities who are actually introverts
Hindi maipagkakaila na celebrities ang ilan sa pinakakilalang public figures. Bukod kasi sa nakikita sila sa TV at mga pelikula, madalas din silang nakikita nang personal sa mga mall show at iba pang event. Kaya naman, hindi na bago sa kanila ang makisalamuha sa ibang tao.
Ngunit ilan sa mga hinahangaan ngayong mga aktor at aktres ang umaming introvert sila, o mga taong mas gustong mag-isa sila or konti lang ang kasama, at hindi mahilig makipag-socialize. Taliwas ito sa madalas gawin ng celebrities na pakikisalamuha sa fans o pagpunta sa malalaking events.
Kilalanin dito kung sinu-sino sa kilalang celebrities ang umaming introvert sila:
Ruru Madrid
Sa YouTube channel ni Ruru Madrid, sinabi niyang sinimulan niya ang vlog bilang isang paraan para maging mas malapit sa kaniyang fans. Dito, sinagot niya ang tanong ng isang fan kung siya ba ay introvert o extrovert. Aniya, "Sa totoo lang guys, introvert talaga ako. I'm just trying na maging outgoing pero sa totoong buhay introvert talaga ako."
Bianca Umali
Gaya ng kaniyang boyfriend na si Ruru Madrid, inamin rin ni Bianca Umali na di tulad ng napapanood ng mga tao, off-screen, ay sobrang introvert na tao siya. "On-screen, usually ang mga roles ko is either I do heavy drama or basta laging seryoso. Off-screen naman sobrang introvert ko kasing tao. I'm always one of the most quiet ones in the room," sabi niya sa isang interview.
Miguel Tanfelix
Kuwento naman ng Running Man Ph star na si Miguel Tanfelix, bago pa siya nakasama sa show ay kinakabahan siya dahil hindi niya alam kung paano makikisalamuha sa grupo ng mga naunang runners. Sabi niya, "Kinabahan po ako kung paano ako magfi-fit sa grupo kasi ako, may pagka-introvert. Parang minsan nahihiya akong kumausap ng mga tao."
Arthur Nery
Minsan na ring nasabi ng kilalang singer na si Arthur Nery na siya ay introvert. Soft-spoken man kung magsalita ang singer, malakas naman ang kaniyang dating sa pag-awit kapag may gusto siyang sabihin.
Bella Poarch
Kilalang social media personality at singer si Bella Poarch, ngunit isang common misconception sa kaniya bilang content creator ay ang pagiging outgoing. Katunayan, ayon sa singer, ay introvert siya at mas mahiyain kumpara sa ibang social media personalities.
Celeste Cortesi
Sa pagsali sa beauty pageants, haharap ang mga kandidata sa maraming tao na puno ng kumpyansa at tiwala sa sarili kaya naman iisipin ng marami na extrovert sila. Ngunit ayon kay Miss Universe Philippines 2022 na si Celeste Cortesi, siya ay introvert at mas madalas ay mga kaibigan lang niya ang kasama.
David Licauco
Isa sa mga pinakahinahangaang aktor ngayon ang Pulang Araw star na si David Licauco. Ngunit sabi niya, isa sa insecurities niya ay ang pagiging introvert. Kuwento bi David sa isang interview, "Medyo may pagka-introvert kasi ako so parang hindi ko alam minsan kung paano mag-butt in. Kunwari may talk show, minsan I tend to be quiet kasi parang ayoko magmukhang agaw-atensiyon or mga ganun." Gayunman, paglilinaw ng tinaguriang Pambansang Ginoo, okay naman siya kausap.
Chariz Solomon
Sa kabila ng kaniyang pagiging isang komedyante, sinabi ni Chariz Solomon na introvert siya sa totoong buhay. Sa panayam niya sa 'Fast Talk with Boy Abunda,' sinabi ni Chariz na 70 percent introvert siya dahil mas nae-enjoy niya manatili sa bahay dahil tahimik kaysa lumabas ng bahay.
Tanya Ramos
Galing man sa pamilya ng celebrities at ngayon ay isa na ring singer at aktres, aminado si Tanya Ramos na naturally introvert siya. Katunayan, madalas siyang napagkakamalang maldita dahil sa pagiging tahimik at looks niya.
Megan Young
Bukod sa pagiging aktres, kinoronahan din bilang Miss World 2013 si Megan Young. Marahil ay iniisip ng mga tao na sanay siyang makihalubilo sa mga tao. Ngunit sa post ng asawa niyang si Mikael Daez, sinabi ng aktor na introvert ang kaniyang asawa. Makikita rin sa post ni Mikael ang pagod na pagod na Megan na kailangan na umano ng "immediate support needed when her social battery is empty."
Donny Pangilinan
Lumaki rin si Donny Pangilinan sa pamilya ng celebrities ngunit hindi naman talaga siya outgoing, at ang totoo ay introvert siya. Sa interview niya sa podcast ng kaniyang kapatid, sinabi niyang pinakaimportante sa kaniya ang pahinga at pag-iisa, at ginagawa ang mga bagay ng gusto niyang gawin o kaya kasama ang pamilya.
KD Estrada
Self-confessed introvert man, malayo na ang narating ng singer at actor na si KD Estrada. Sa isang reality competition, ikinuwento ni KD ang naging hirap niya sa pagiging mahiyain at anxiety.
Liza Soberano
Malayo na ang narating ng karera ng aktres na si Liza Soberano hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa. Kaya naman nakakagulat na malamang introvert pala siya. Sa dating Instagram stories, sinabi ni Liza tungkol sa balitang sasali siya sa Miss Universe, "I'm an introvert and stages with a huge audience scare me half to death (as ironic as it may sound)."
Maine Mendoza
Kahit na nakabuo na ng magandang karera si Maine Mendoza bilang isang aktres at TV host, dumaan din siya sa pagiging mahiyain bilang isang introvert. Sa interview niya sa isang morning talk show, inamin niyang nakuha niya ang pagiging mahiyain sa mga magulang na mahiyain din.
Alodia Gosiengfiao
Nagsimula man ang gamer at content creator na si Alodia Gosiengfiao bilang isang cosplayer, inamin niyang hindi ito naging madali sa kaniya at sinabing sinimulan niya ito kasabay ng kaniynag kapatid. Sabi niya sa isang interview, "I started out with my sister so I wouldn't be so shy, because I'm such an introvert."
Justin De Dios
Bukod sa pagiging miyembro ng sikat na P-Pop boy group na SB19, sinimulan na rin ni Justin De Dios ang kaniyang solo career. Ngunit aniya, naging struggle ito sa kaniya dahil sa introvert personality niya. Sa interview niya sa Surprise Guest with Pia Arcangel podcast, sinabi niya, "Actually po, super kabado po ako as a person din. Talagang medyo, 'yung personality ko po kasi is medyo dependent. Parang as an introvert, parang mahirap po akong humarap sa maraming tao, mag-start ng conversation, ganyan."
Rica Peralejo
Nilinaw naman si Rica Peralejo ang iba't ibang misconceptions at struggles ng mga introvert kagaya niya sa isang Instagram post. Aniya, gusto lang niya magbigay-linaw tungkol sa pagiging isang introvert dahil sa maraming misconceptions tungkol dito.
Joshua Garcia
Sa isang Instagram post, ibinahagi ng dating Unbreak My Heart actor na si Joshua Garcia na bukod sa pagiging overthinkier ay introvert din siya.
Khalil Ramos
Sa interview ni Khalil Ramos sa Updated with Nelson Canlas podcast noong 2022, inamin niyang lumaki siya bilang isang introvert. Ngunit nilinaw niyang hindi naman siya ganoon sa kaniyang mga kaibigan dahil kumportable na siya sa kanila.
Sharon Cuneta
Kinilala bilang Megastar ang aktres at singer na si Sharon Cuneta at napapaligiran ng pamilya na nasa showbiz din. Ngunit nang magkasakit ang aktres noong February 2024, sinabi niyang masaya siyang manatili at magpagaling sa bahay dahil introvert naman talaga siya.