Shuvee Etrata continues to advocate for environmental conservation
Nagpapatuloy ang pagbibigay inspirasyon at kaalaman ni Sparkle actress Shuvee Etrata sa mga gawaing nakatutulong sa pangangalaga ng kalikasan.
Noong Sabado, July 15, game na nakisaya ang dating Hearts On Ice actress sa naganap na Family Wellness Festival ng Nestle Philippines sa Quezon Memorial Circle, na layong bigyang kaalaman ang libu-libong pamilya para sa mas malusog at mas masayang pamumuhay.
Kabilang si Shuvee sa mga naimbitahan para magbigay ng tips at impormasyon tungkol sa solid waste management, kung saan tinalakay ang kahalagahan ng pagsasagawa ng 3Rs: Reuse, Reduce, at Recycle, na bahagi ng Kapuso at Kasambuhay ng Kalikasan advocacy sa pagitan ng Nestle Philippines at ng GMA Network.
"I'm really grateful I was invited to speak in front of everybody lalo na sa masa na mahal na mahal ko dahil matutulungan ko po sila na mapangaralan kung ano po talaga 'yung gusto ko, especially on my own. I'm very passionate about the environment, marine conservation," pagbabahagi ni Shuvee.
Alamin ang ilang mga simpleng gawaing isinasabuhay ni Shuvee para makatulong sa pagprotekta sa kalikasan sa gallery na ito:
Shuvee Etrata
Masaya si Sparkle actress Shuvee Etrata na nakapagbigay inspirasyon sa marami sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ilang tips at kaalaman tungkol sa solid waste management sa naganap na Family Wellness Festival ng Nestle Philippines sa Quezon Memorial Circle noong July 15.
Reuse, reduce, and recycle
Kasama ang tagapagsalita ng Pure Oceans, tinalakay sa solid waste management ang kahalagahan ng pagsasabuhay sa 3Rs--reuse, reduce, at recycle, na makatutulong hindi lamang para sa ikagaganda ng kapaligiran kung hindi maging sa ikabubuti ng kalusugan.
Tourism
Bilang ambassador ng Tourism Promotions Board of the Philippines para sa isla ng Badian sa Cebu, masigasig si Shuvee Etrata sa panghihikayat na mapangalagaan at maprotektahan ang ganda ng kanilang isla.
Protect the environment
"Aside sa marami po kaming turista sa Bantayan Island, especially po sa lugar namin sa Sta. Fe, marami po kami roong plastics na naiipon halos araw-araw kaya isa po ako sa very passionate like protecting our environment. Especially, ang mga marine life po natin, ang mga isdang kinakain natin. Ayaw naman siguro natin na ang mga isdang kinakain natin, mayroong plastic sa tiyan nila 'di ba? So let's be part of the change sa pagte-take care natin sa environment," pagbibigay-halimbawa ni Shuvee Etrata kung bakit dapat na maging responsable ang bawat isa sa pagtatapon ng basura.
Waste segregation
Tinalakay rin sa solid waste management ang malaking maitutulong ng tamang pagtatapon ng basura. Maging ang pagdala ng mga basurang plastik sa junk shops, NGOs na bumibili ng plastic waste, barangay, at munisipalidad.
Paggamit ng grocery bags
Isa sa nakaugalian na ni Shuvee Etrata ang pagdadala ng sariling grocery bags o tote bags sa tuwing magsa-shopping. Katuwiran niya, "Para po hindi na tayo makadagdag pa sa plastic usage ng ating mundo."
Tumbler
Ibinahagi rin ni Shuvee Etrata ang malaking maitutulong sa kalikasan ng pagbabaon ng sariling tumbler dahil mababawasan nito ang paggamit ng plastic bottles sa mga inumin.
Ukay-ukay
Ayon kay Shuvee Etrata, mahilig siyang mag-ukay-ukay. "Kahit sa pagbili ng ukay-ukay mayroon na po tayong paraan para makatulong sa kalikasan. Also, kung bibili man tayo ng damit pwede po tayong bumili ng mga quality products para marami pang panahon na magagamit siya."
Change
Sa huli, muling ipinaalala ni Shuvee, "In your own little way try to change your mindset first before you start changing other people's lives. Siguro magsimula po tayo sa paniniwala na nakakatulong po ang pagtulong natin sa ocean in our own life. Nakakatulong siya na hindi lang 'yung dagat ang tinutulungan natin, it helps na mapaganda natin ang environment, ma-preserve natin ang ganda ng Pilipinas, even the world na tinitirhan po natin ngayon, Kasi it will reflect in your future kids. 'Di ba, gusto mo na 'yung tirhan din nila magaganda rin. So start within you, then you'll able to share the beauty of taking care of the environment wholeheartedly sa lahat."