Shaira Diaz, proud sa sarili matapos maka-graduate sa kolehiyo
Nakapagtapos na sa wakas ang Kapuso Sweetheart at iBilib host na si Shaira Diaz sa kolehiyo sa kursong Marketing Management sa University of Perpetual Help System DALTA.
Nagmartsa ang aktres at TV host sa kaniyang graduation noong Agosto 22 sa Las Piñas City.
Isa si Shaira sa working students mula sa entertainment industry at sa isang eksklusibong panayam, inamin niyang sobrang hirap ng kaniyang ginagawa. Pag-amin pa ng aktres, umabot na sa puntong nagkakasakit siya dahil hindi siya nakakatulog.
“I mean hindi pa 'ko tapos sa trabaho ko, sa taping ko, tapos hindi ako nakakatulog din sa taping kasi 'yung mga imbis na pinapahinga ko na lang 'yung mga oras na hindi pa 'ko nakasalang sa eksena, mga oras na tengga pa 'ko, ginagawa ko nagre-review talaga 'ko, gumagawa ako ng homework,” kuwento ni Shaira.
Naging hamon din umano ang pagdalo ng Unang Hirit host noon sa mga face-to-face class bago magsimula ang pandemic kung saan pumapasok siya sa school tatlong araw sa isang linggo, at nagte-taping ng tatlong beses na araw pa.
BALIKAN ANG GRADUATION PHOTOS AT CELEBRATION NI SHAIRA KASAMA ANG PAMILYA SA GALLERY NA ITO:
Dagdag din umano ang pressure na nararamdaman niya hindi lang mula sa kaniyang tapings, kundi maging sa kaniyang school work at exams. Ngunit kahit ganito kahirap, masarap pa rin sa pakiramdam ni Shaira ang makapag-aral kasabay ng trabaho.
“Kasi alam ko na at the end of the day, alam ko na ako rin magbe-benefit dito and para rin naman sa 'kin 'to kasi siyempre gusto ko rin matuto. Ayokong masayang 'yung binabayad ko sa pag-aaral ko so gusto ko talaga siyang matapos,” sabi ng aktres.
Pagpapatuloy pa ni Shaira, “Sobrang sarap na finally, tapos na, hindi ko na siya pagdadaanan.”
Sa huli ay nag-iwan si Shaira ng isang mensahe para sa kapwa niyang working students, “'Wag kayong sumuko. Kung sa tingin niyo napapagod kayo, take a break. It can wait naman e, sa totoo lang, kung hindi niyo talaga kaya.”
“Kunyari may problema kayo sa buhay, pwede naman kayong mag-stop kahit saglit, pero sana 'wag niyo kalimutan pa rin na tapusin 'yung pag-aaral niyo kasi 'yan 'yung parang magiging sandata mo dito sa realidad natin sa mundo,” sabi ng aktres.