Mike Enriquez, nanatiling Kapuso mahigit dalawang dekada na! | GMANetwork.com - Corporate - Articles

Mananatiling Kapuso ang veteran broadcast journalist na si Mike Enriquez sa susunod na dalawang taon. 

Mike Enriquez, nanatiling Kapuso mahigit dalawang dekada na!

By BEA RODRIGUEZ         


PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

Muling pumirma ng dalawang taong eksklusibong kontrata ang GMA news anchor na si Mike Enriquez na halos labindalawang taon nang naninilbihan sa Kapuso network. Dinaluhan ito nina GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto R. Duavit, Jr., EVP and CFO Felipe S. Yalong at ni SVP for News and Public Affairs Marissa L. Flores.

“Siyempre, ‘yung ganitong renewal ng contract, nakakatuwang okasyon ‘to para sa akin at higit sa lahat para sa network, sa GMA,” saad ng 24 Oras anchor sa panayam ng GMANetwork.com.

Napakaimportante raw para sa radio broadcaster ang tiwala na patuloy na ibinibigay sa kanya ng GMA, “Ito kasi nagpapakita ng pagtitiwala sa iyo ng pamunuan ng network kaya ito naman ay hamon din na huwag basagin ang tiwala nila sa ‘yo na maging totoo dun sa ating sinasabi na balita na ‘Walang kinikilingan at walang pinoprotektahan.’ Nagpapasalamat ako sa tiwala ng pangasiwaan ng GMA so dalawang taon ulit ito na sabak.”

Matapos ang contract signing, dalawang kamay hinawakan ni Atty. Gozon ang mga kamay ng radio broadcaster bilang palatandaan ng panibago at mas pinahabang pagsasama sa network.

Kuwento niya, “Hindi pa ako nakapasok dito, institution na si Mike sa news dito sa Channel 7 so sa madaling salita, talagang si Mike ang embodiment ng ating news dito kaya dalawang kamay ang pagkakamay ko sa kanya. Sapagkat sa loyalty, hindi mo matatawaran si Mike kaya hindi ko iniisip na makipag-negotiate man lang [sa kanya].”

Kasalukuyang hinahawakan rin ni Enriquez ang posisyong Senior Vice President for Radio kaya sa tingin ng GMA executive na si Duavit ay hindi na sila magkakahiwa-hiwalay.

Aniya, “‘Yung pagtitiwala sa isa’t isa, nandiyan ang pinagsamahan at ang pagnanais na pahabain pa lalo ang pagsasama. Nagpapasalamat kami kay Mike na patuloy ang kanyang pagtitiwala at sa panghabang panahon niyang pagsasama-sama.”

READ: Mike Enriquez, a loyal Kapuso