Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tina Paner feels quite uncomfortable talking about dad of daughter


Kababalik lang sa Pilipinas ng dating child star na si Tina Paner mula sa paninirahan nang matagal sa Amerika at Barcelona, Spain. Mula nang siya’y dumating, hindi na ito napahinga sa kaliwa’t kanang singing engagement sa mga events at concerts. Kamakailan, nagkaroon siya ng shows kasama ang kapatid niyang si Danita Paner sa Zirkoh, kung saan nakasama nila sina Rico Puno at Sam Milby. Sa event na ito siya akapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal). “Ang saya!” ang masaya niyang bungad. “Na-miss ko kasi yung ganito. Iba yung trabaho dito, kaysa doon [abroad]. “Although, nagso-show naman ako sa Spain, kaya lang hindi ganito na nakakasama mo yung mga dati mong kasamahan na medyo hindi ka maiilang. “E, doon kasi, magkikita lang kayo doon, on the day itself na. “So, parang walang mga bonding-bonding. Hindi katulad dito na may oras kayo para magkuwentuhan, kumustahan, mag-bonding.” Ibinalita rin ni Tina na maraming beses na silang nagkita-kita nina Sheryl Cruz at Manilyn Reynes. “Ilang beses na kaming nakapag-reunion at naka-ilang beses na rin kaming nakapag-guest sa mga TV shows na tatlo kami… lalo noong pagkadating na pagkadating ko.”   REUNION CONCERT. May plano bang magsama silang tatlo sa isang live show or concert? “Well, yun ang pinaplano namin, yun ang pinag-uusapan namin pero wala pang nag-a-attempt… wala pa talaga. “Kaya hindi ako sure kung talagang matutuloy. Kung meron, bakit naman hindi?”   SINGLE MOM. Paano tumatakbo ang buhay niya ngayong nandito na siya sa Pilipinas? “Well… ngayon kasi, medyo iba dahil may bitbit akong bulinggit, ten years old na siya,” ang pagtukoy niya sa kanyang only daughter na si Lui Sane Kristiel. “Hindi gaya ng dati na ang iniintindi ko lang trabaho at yung gagawin mo the whole day. “Kaya lang ngayon, ibang-iba… instead na magtatrabaho lang ako, meron pa akong inaalagaang bulinggit.” May communication pa ba sila ng ama ng daughter niya? “May communication sila ng anak,” mabilis na sagot ni Tina. Husband ba niya ito? Agad naman siyang sumagot ng, “No!” Bakit hindi sila nagpakasal? “Siguro baka talagang hindi pa panahon or hindi yun ang destiny. Basta, at least, meron akong baby, meron akong anak.” Nangangarap pa rin ba siyang ikasal? “Well, every girl naman, yun ang dream na lalakad ka sa altar, makikita mo iyong masasabi mong makakasama mo habang buhay. “Pero sa parte ko, parang… kung darating man yun, darating. Kung hindi, wala akong magagawa. “Basta, ang mahalaga sa akin, at least, kasama ko ang anak… meron akong anak!” Halos pareho sila ng kinalalagyan ng kaibigan niyang si Sheryl Cruz na single mom din. Magkaiba nga lang sila ng sitwasyon dahil diborsyada si Sheryl sa Fil-Am husband niya at meron silang anak na babae. “Oo nga, e, happily married siya,” pagsang-ayon ni Tina sa buhay ng kaibigan. “I think, 20 years na sila? Oo nga, e, nagulat nga ako doon,” dugtong naman niya sa sitwasyon ni Sheryl. “Nababasa ko na lang sa Internet. E, siguro ganoon ang destiny. Baka hindi pa dumarating yung para sa iyo. Si Manilyn naman ay nananatiling matatag ang married life sa dating aktor na si Aljon Jimenez.   PATERNAL SUPPORT. Okay ba si Tina sa ama ni Shane? Nag-isip muna si Tina at saka sumagot, “Well… in terms sa bata, pinag-uusapan naman namin. Pero siguro mas okay na lang kami ng ganoon. “Kung makakasama niya yung bata, kasama niya minsan, okay na. “Basta ang importante, yung bata nabibigyan siya ng time pag nandito yung daddy niya.” Paano yung financial support? “Well, ayoko na ring pag-usapan,” pag-iwas sa usapin saka tumawa nang malakas. Ibig sabihin ba nito wala siyang financial support? “Ah, no-no! Ang akin kasi kung magbibigay, magbibigay. Kung hindi e di hindi!” Hindi ba regular yung suporta? “Basta ang sa akin, napalaki ko yung bata na siguro by my own. “At siyempre, may katulong rin ako… yung kaibigan ko, yung bestfriend ko. So, okay na yun sa akin. “Ang importante, nagkikita sila ng daddy niya.” Nandito ba sa bansa ang tatay ni Shane? “Oo, dito naman sila based. Base sila dito, meron rin sila doon [Barcelona, Spain] so, travel-travel sila kasama yung Mommy at Daddy niya. So, pag pupunta sila doon… with the family. “Pag babalik siya dito, uuwi rin siya kasama ng Mommy at Daddy niya.” Anong ginagamit na apelyido ng anak niya? “Sa Spain kasi, ke may asawa ka o wala, family name ng babae ang binibitbit. So, family name ko ang ginagamit ng anak ko.” Pabor naman ba ang tatay ng anak niya na apelyido ni Tina ang ginamit? “Well, nasa sa kanya naman yun, e. Basta ako… bahala siya… bahala siya kung anuman yung responsibility niya, nasa sa kanya na yun.” Wala bang anak ang partner niya sa ibang babae? “Ayoko na lang mag-comment, bayaan mo na lang siya,” iwas muli ni Tina. May family ba iyong guy bago sila nagkakilala? “Wala, wala,” tugon ng dating child star.   MOM DAISY. Tungkol naman sa relasyon nilang mag-ina na si Daisy Romualdez, ibinalita ni Tina na mas okay na sila ngayon ng dating veteran actress. Patunay ni Tina, “Okay naman, okay naman kami. “Sa ngayon, malaki ang pagbabago niya dahil siguro nakikita na niya ang apo niya. “Dati kasi, hindi niya nakakasama. Nakakasama niya pag nasa Barcelona siya or may special occasion. “Pero at least ngayon, mas nakakasama niya… basta nandiyan ang apo niya. Basta, malaki ang ipinagbago niya.” Dumaan din sa hindi pagkakaunawaan sa Mommy Daisy nila ang kapatid na si Danita. Matatandaang noong kabataan ni Tina, umalis ito sa poder ng veteran actress para hanapin ang tunay niyang ina. Ano naman ang puwedeng advice ni Tina sa kapatid? Tugon naman ng dating Regal baby, “Very strong personality ‘yan… malayo 'yan sa akin. “Pagdating sa ano… matapang ‘yan, e. Although, minsan may ano siya…yung iba kasi, hindi siya masyadong kilala, akala nila mataray. “Pero pag na-meet nila si Dan [palayaw ni Danita], may puso… may soft spot siya. “Pero pag alam niyang tama siya, ipaglalaban niya yun. “Sabi ko nga sa kanya, ‘Inggit ako sa iyo kasi malakas yung personality mo— kung meron kang gustong ipaglaban, ipaglaban mo.’ “Ganoon na rin ako, pero idinadaan ko lang sa suwabe. “Ayaw ko naman dumating sa puntong nagtatalak ako—hindi ako yun.” -- Rey Pumaloy, PEP