Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joshua Zamora and Jopay Paguia tie the knot




Simple pero taimtim ang naging wedding ceremony ng dancing couple na sina Jopay Paguia at Joshua Zamora sa Fernwood Gardens sa Quezon City, nitong Biyernes, June 6.

Ang nasabing Christian wedding ay dinaluhan ng mga malalapit na kaibigan at pamilya ng dalawa—gaya nina Gary Valenciano, Yeng Constantino, mga miyembro ng SexBomb Dancers, The Maneouvres, Diana Zubiri, Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap, Arnold Clavio, Raymond Bagatsing, at Keempee de Leon.
 
EXCHANGE OF PROMISES. Sa mismong seremonya, nangako si Joshua na ipagkakaloob niya kay Jopay ang "agape," Greek word na nangangahulugang unconditional love.

Sa kanyang speech, sinabi ng miyembro ng dance group na The Maneouvres: "Hindi naman talaga madali ang mangako ng panghabang-buhay na pagmamahal, pero isa lang ang natitiyak ko, mula ngayon.

"Sa oras na ito, naniniwala ako na ang pagmamahal na ipinaramdam ko at ibibigay ko sa 'yo ay pinlano at 'pinagkaloob ng ating Panginoon.

"At dahil do'n Babas [term of endearment nila sa isa't isa], mamahalin kitang tunay at ipapadama ko sa 'yo ang isang wagas na pag-ibig.

"I really do not know how to do all these, but by the grace of God, I know and I'm sure that I will be able to fulfil all that is expected of me."

Bilang tugon naman sa pangako ng kanyang asawa, ipinangako ni Jopay na susuklian niya ang pagmamahal at pag-aalagang ibibigay ng kanyang kabiyak.

"Kahit na kulubot na ang balat mo, kahit naka-wheel chair ka na, o kahit hindi mo na ako makilala o hindi mo na alam kung ano ang pangalan ko o ang kulit-kulit mo, paulit-ulit kang nagtatanong kung sino ako, kung ano'ng meron, kung saan tayo nag-umpisa, I will be here for you until the very last day.

"I promise I will take care of our future children and love them unconditionally kahit 12 pa. Sabi mo nga, like the way you love me."

Sa panayam sa mag-asawa pagkatapos ng kanilang kasal, halatang overwhelmed pa rin sila sa panibagong yugto ng kanilang buhay.

Sabi ni Jopay, "Ganun pala yung pakiramdam, para kang nakalutang talaga kasi iba talaga yung boyfriend-girlfriend.

"Hindi katulad dati, nagpi-feeling asawa ako. Iba yung pakiramdam na nag-'I do' na ko sa kanya, husband ko na siya, Zamora na ako. Para kang nakalutang."

Sinang-ayunan naman ito ni Johsua: "Iba talaga yung pakiramdam ko ngayon, sobrang nakakaramdam ka na lutang na lutang.

"I was really emotional kasi for the longest time na magboyfriend-girlfriend, matagal kaming partner, nag-breakup, nagkabati, and finally ito na yung araw na na-settle namin yung lahat.

"Totoo ang sinabi ng asawa ko na ngayon na it's really for the glory of God."

LIMITATIONS. Lubos naman ang pasasalamat ng mag-asawa sa ninong nilang si Gary Valenciano na kumanta sa kanilang kasal. Isa sa mga piyesa ni Mr. Pure Energy ay ang "I Will Be Here" na paboritong kanta ng newlyweds.

Bukod pa sa pagkanta ay nag-offer din ng prayer si Gary na ikinatuwa nina Jopay at Joshua.
Lahad ni Joshua, "Na-touch kami sa prayers niya.

"We really look forward na lagi namin siyang makausap at magbigay siya ng advice dahil matagal na rin siyang married."

Mayroon na bang limitasyon sa kanilang dalawa pagdating sa kanilang showbiz career ngayong mag-asawa na sila?

"Kami naman, meron naman kaming pini-filter sa amin, e. Is it gonna honor God? Is it gonna give Glory to God? [If yes], we will do it."

Magha-honeymoon daw ang bagong kasal sa Batangas mula June 8 hanggang June 11.

Taong 2013 nung kinumpirma ni Jopay na tapos na ang seven-year relationship nila ni Joshua.

Nakakatuwa dahil nauwi rin ito sa kasalan.

Plano raw nila na magkaroon ng dalawang anak, at hopefully, masimulan nila ito sa susunod na taon. -- Bernie V. Franco, PEP