Filtered By: Showbiz
Showbiz

RJ Padilla recounts first meeting with half-brother Daniel Padilla


Tatlo na ang anak ni Rommel Padilla na nasa showbiz.

Nauna ang sikat na sikat nang si Daniel Padilla, at sumunod naman sina Matt at RJ, na parehong nag-uumpisang gumawa ng pangalan bilang artista.

TATAK PADILLA. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si RJ sa press conference ng pelikulang Basement ng GMA Films noong January 23.

Aniya, “Sa Basement po, isa po ako sa mamamatay. Group po kami ng mga teenager na mga adik.

"Isa yun sa dapat abangan sa movie, kung paano ako mamamatay.”

Ang speaking voice ni RJ ang agad na napansin ng PEP at ilan pang reporters habang kinakausap siya. Parang si Daniel!

Sabi naman ni RJ, “Tatak Padilla ho talaga.”

Hindi raw niya ito pinag-aralan.

“Hindi ho, talagang natural lang po sa amin yung ganun.

"Ang tawag nga po namin, tatak Padilla.”

LIFE STORY. Taga-Angeles, Pampanga, ang ina ni RJ na si Anabelle Antonio. Pero napadpad ang newbie actor sa Mindanao at nag-aral doon dahilan sa ilang pangyayari sa kanyang pamilya.

“Seven years old po ako nang nakulong si Papa noon.

"Bago lumaya si Tito Robin [Padilla], pumasok naman si Papa," paliwanag ni RJ.

Kalahating taon lang naman daw nakulong ang Papa niya noon sa kasong illegal possession of firearms. Nangyari ito noong 1998, kung saan nahatulan siya ng Pasig Regional Trial Court ng "eight years in prison."

Patuloy ni RJ, “'Tapos noong makulong si Papa, si Mama, kailangang magtrabaho.

"Nagpunta po siya ng Japan, tumutugtog po siya roon, nagbe-base po siya.

“Kaya noong seven years old po ako, dumako po ako sa Mindanao, sa Kidapawan. Kay Tita Rowena po, kapatid po ng Papa ko.

"Six years po ako dun. Hanggang Grade 3 po, nandoon po ako.”

ROMMEL AND ANABELLE. Tatlo raw silang magkakapatid.

Panganay si Matt at siya ang pangalawa. Ang bunsong kapatid nila ay si Roanna.

Kay RJ rin namin nalaman na ang Mama nila ang kasal kay Rommel at habang lumalaki daw sila, hindi daw sila nawalay sa mga Padilla.

“Nandoon po talaga ang dugo ng Padilla.

"Kahit anong gawin naming pagtatago, lumalabas po siya, natural na.”

Pero, napansin namin na maputi si RJ lalo na kung ikukumpara sa kapatid niyang si Daniel na may pagka-moreno.

Paliwanag ni RJ, “Ang Nanay ko po kasi, half-German, half-Filipino.

"Kapampangan po siya kaya doon [sa Pampanga] sila nagkita ng Papa ko.”

May ibang ka-relasyon na rin daw ang Papa niya ngayon.

Pero natawa ang lahat nang tanungin namin kung ilan lahat ang naging “misis” nang Papa niya, kasama na ang ina ni Daniel na si Karla Estrada.

“Si Papa lang po yata ang makakasagot niyan,” natawa rin niyang sabi.

“Actually, nagkikita-kita pa rin naman po sila [si Rommel at Anabelle] once in a blue moon.

"Parang nandoon pa rin naman po ang pag-iibigan nila.

“Hindi naman po sila talagang hiwalay.

"Si Mama kasi, hindi na ginawang malaking isyu na may iba pang asawa si Papa.

"Ang gusto na lang ni Mama, yung mga anak na lang niya.”

Ang alam daw ni RJ, walo silang magkakapatid sa Papa niya.

RJ AND DANIEL. Sila raw ni Daniel ay nagkakilala two years ago.

Paglalarawan niya sa kanilang first meeting, “Okay naman po..."

Paano sila nagkakilala?

“Yung panganay  po namin [si Matt], dinala siya sa bahay.

"Nagulat ako.

"Pagbukas ko ng pintuan, sabi niya, 'Brod, kapatid mo nga pala, si Daniel.'

“Alam ko na may kapatid akong Daniel.

"Pero in person, first time ko siyang nakilala.

"'Tapos, noong nakita ko siya, mahiyain na moreno na matangkad na payat.

“Sabi ko, 'What’s up, Bro? Ako nga pala si RJ.'

"'Tapos sabi niya, 'What’s up, Bro? Ako si Daniel.

"Noong una, medyo akward. Parang kapaan pa lang.

“Pero, the next day, kulitan na kami.”

Close silang magkapatid?

“Close po, kapag may time siya, nagyayaya siyang mag-mall.

"Pero ngayon kasi, mahirap na rin siyang yayain sa mall.”
 
NO SIBLING ISSUES. Tinanong namin si RJ, hindi isyu sa kanya na marami pala siyang kapatid sa iba?

“Wala po, e. Actually, pagdating sa half brother and sister ko, ang turing ko sa kanila, 'whole' lahat.

“Parang mas masaya ho kapag mas marami.”

Samantala, nagsimula naman daw mag-artista si RJ sa Kapuso network talaga.

Noong isang taon daw ay nakasama siya sa morning serye na With A Smile hanggang sa makapasok siya sa Bubble Gang.

Dalawang pelikula na ang nagawa niya, ang Sa Ngalan ng Ama at Basement.

Kasama rin si RJ sa primetime series na Carmela.

Aniya, “Matagal ko na hong gustong mag-artista

"Hindi lang ako napagbigyan ng mga magulang ko kasi ang gusto nila, makapagtapos ako ng pag-aaral.”

Nakapagtapos naman na siya ng pag-aaral?

“Hindi po ako umabot ng college, hanggang high school lang.

"Talagang nasa puso ko ang pag-aartista."

Ano naman ang ginawa niya sa panahong hindi pa siya artista at hindi siya pumasok ng college?

“Nagloko-loko lang po,” natatawa niyang sabi. -- Rose Garcia, PEP