Filtered By: Showbiz
Showbiz

Camille Prats happy ‘to try something new’ in The Borrowed Wife


Nagkuwento si Camille Prats sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa magiging plot ng The Borrowed Wife, ang bago niyang pagbibidahang drama series. Nakapanayam ng PEP si Camille noong December 27, sa 17th floor ng GMA Network Center. Bungad naming tanong: siya ba yung hiniram na asawa? “Opo," sagot niya. "Actually, kasi yung story ng The Borrowed Wife, hindi po siya yung typical story na may kabit. "Kasi di ba usually kabit? Usually kasi, di ba, real wife 'tapos may kabit, usually ganun ang kuwento. Ito, hindi siya talaga ganun. “Kaya siya naging The Borrowed Wife kasi yung role ko, asawa ni Rafael Rosell, 'tapos mag-best friends kami ni Pauleen [Luna]. "'Tapos parang may nangyari kay Pauleen 'tsaka kay Rafael. “So umalis ako, nagpakalayu-layo ako 'tapos sobrang galit ko kasi feeling ko nga, niloko nila ako,” panimula niyang kuwento. A TALE OF DECEIT AND REVENGE. Sa The Borrowed Wife ay gaganap si Camille bilang si Maricar, si Rafael bilang si Richard, si Pauleen bilang si Tessa, at si TJ Trinidad bilang si Earl. At dahil may nangyari sa asawa niyang si Richard at sa best friend niyang si Tessa, masasaktan si Maricar. Patuloy pa niya, “Pero intensiyon talaga ni Tessa yun kasi si Tessa, nauna siya kay Richard. Parang nagde-date sila dati 'tapos nung nakita ako ni Richard, ako na yung nagustuhan niya. “So feeling ni Tessa, niloko ko rin siya. “Kaya gumawa talaga siya ng paraan para gumanti. “'Tapos nung lumayo ako, napunta ako sa isang resort kung saan nakilala ko si Earl—si TJ Trinidad. Si Earl naman, nandun sa resort kasi yung fiancée niya iniwan siya or something like that. “Hanggang sa parang gusto na siya [Maricar] ni TJ 'tapos na-realize niya na uuwi na ako kasi may asawa’t anak ako." Isang pangyayari ang babago sa buhay ni Maricar. Ang patuloy na kuwento ni Camille, “Pagbalik ni Maricar ngayon sa hotel, nasunog yung resort where she’s staying, 'tapos tinray siyang i-save ni Earl, kaya lang pagkuha sa kanya, sunog na sunog yung mukha niya. “E, si Earl is a cosmetic surgeon, so paggising ni Maricar wala siyang maalala kung sino siya, kasi nawalan siya ng oxygen sa utak so nadamay dun yung memory niya, part of her memory, na temporary or puwedeng permanent na hindi na babalik. “E, si Earl, gusto siya talaga, so nung nakita niya na ganun yung sitwasyon ni Maricar, pinalitan niya yung face ni Maricar nung mukha nung fiancée niya na ako na yun. "Yung first week po, hindi ako yung gaganap, hindi ko mukha. Nung napalitan na, ako na yun. "So pagbalik ko, nakita ko may pictures kami together, kumpleto, lahat, pero hindi ko siya matandaan. “'Tapos hanggang sa nag-cross ulit yung paths namin ni Rafael, ni Richard, 'tapos na-figure out niya [Earl] na bakit may something si Richard 'tsaka ito [si Maricar.] “'Tapos hanggang sa napagdikit-dikit niya na, ‘Ah, ito pala yung asawa niya dati na pinalitan ko ng mukha.’ “Kaya siya The Borrowed Wife kasi hiniram niya yung asawa ni Rafael 'tapos pinalitan niya ng mukha [ng fiancée niya].” NEW AND CHALLENGING ROLE. Naiiba at medyo risky raw ang kanilang bagong drama series. “Actually, iyon nga po kaya din ako very excited about this role kasi hindi siya kagaya nung past shows na ginawa ko na halos pare-pareho ng tema. “So iyon, kaya very happy ako na at least ngayon, sa ibang anggulo naman umiikot yung kuwento hindi sa anak lang." Ang tinutukoy ni Camille ay ang formulaic plot ng mga TV series kung saan mahihiwalay ang ina o anak sa pamilya at doon iikot ang kuwento. Halos ganito rin ang kuwento ng mga seryeng kinabilangan niya, ang Munting Heredera at Bukod Kang Pinagpala. Dugtong ni Camille, “Although I don’t have any problems taking mother roles, I’m happy with it, but it’s always good to try something new and something different para din sa audience, di ba. Hindi sila parang, ‘Ay ganyan na naman yung role niya?’ “Kasi lagi na lang siyang kung hindi mahirap na nanay na nawawala yung anak, iyon yung lagi kong role,” natatawang pahayag ni Camille. NO LOVE SCENES. Tinanong namin si Camille kung may love scene ba sila dito ni Rafael o ni TJ. “Wala po. Panghapon po ito, wholesome,” pagmamalaki niya. Sa direksyon ni Gil Tejada Jr., mapapanood na ang The Borrowed Wife simula January 20, sa GMA Afternoon Prime. Rommel Gonzales, PEP.ph