Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Transit'  child actor Marc Justine Alvarez nag-aral pa ng Hebrew


Masaya raw ang Kapuso child actor na si Marc Justine Alvarez dahil humakot ng awards ang pelikula nilang “Transit” sa New Breed category ng katatapos na 9th Cinemalaya Independent Film Festival.

Kabilang sa mga parangal sa New Breed category na napanalunan ng proyektong prinodyus ni Paul Soriano ay ang Best Actress para kay Irma Adlawan, Best Supporting Actress para Kay Jasmine Curtis Smith, Best Director sa newcomer na si Hanna Espia, Special Jury Best Acting Ensemble (para sa lahat ng cast ng pelikula), Best Editing, Best Cinematography, at Audience Choice Award.

Ginampanan ni Marc Justine ang papel ni Joshua, anak ng OFW sa Israel na ipina-deport kahit pa doon siya ipinanganak. Tungkol kasi sa deportation law sa nasabing bansa ang istorya ng pelikula; na lahat ng anak ng mga foreign contract workers doon ay kailangang pauwiin kung saang bansa ang pinanggalingan ng kanilang mga magulang.


LEARNING HEBREW. Nagampanan niya nang buong husay ang nasabing karakter. At ang higit na nakakabilib pa, Hebrew ang kanyang mga linya sa pelikula.

“Ang nagturo po sa akin na magsalita ng Hebrew, si Tita Maricel na friend po ng mommy ko sa Israel,” sabi ng cute at bibong child actor nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng press preview ng “Transit” kahapon, Huwebes, August 8, sa Music Bank Family KTV, sa may Timog Avenue, Quezon City.

Hindi ba mahirap umarte na Hebrew ang kanyang dialogues?

Siyempre kailangan din niyang intindihin ang ibig sabihin ng kanyang mga lines para mas maiarte at mai-deliver niya nang maayos.

“Meron naman pong English translation sa baba ng bawat lines. Kaya malalaman mo naman mo ang ibig sabihin no’n.

“At saka igina-guide naman po kami kung paano yung reaction sa bawat eksena.

“Na… iiyak ako kapag kailangang umiyak. O tatawa ako kung kailangang tumawa,” kuwento ni Marc.


AUDITION. Bago raw napunta sa kanya ang role, nag-audition muna raw siya para rito. At laking tuwa raw niya nang siya ang napili.

“Pumila po ako. Ang daming iba pang bata na nag-audition. Ang saya po ng pakiramdam ko nang ako yung napili.”

Marc Justine is only eight-years old pero nagagawa niyang pagsabayin ang pag-aartista at ang araw-araw niyang pag-aaral. Grade three na siya sa Laong-Laan Elementary School sa may Sampaloc, Manila.

“Pang-umaga po ako sa school,” aniya. “Pagkatapos po ng klase ko, iyon naman po ang oras para mag-taping o mag-shooting.

“Pero no’ng nag-shoot po kami ng Transit sa Israel, nagpaalam po ako. Excused po ako sa ilang araw na pag-absent ko.

“Pero kapag ilang araw akong absent, bumabawi po ako. Ayoko pong mapabayaan ang pag-aaral ko.

“May kundisyon po kasi kami ng mga magulang ko. Na kapag mababa raw po ang grades ko sa 80, hindi na raw po ako mag-aartista.

“Kaya kailangan ko rin pong mag-aral na mabuti.

“At saka… kasi paglaki ko, gusto ko pong maging pulis. Para makatulong ako sa mga naaapi.

“Gusto ko rin pong maging artist. Kasi hilig ko rin po ang mag-drawing.

“Tapos, kahit malaki na ako, gusto ko pa rin pong mag-artista.”

“STAR TREATMENT” IN SCHOOL. Unti-unti na siyang nakikilala ngayon bilang Kapuso child actor. Sa school ba nila, paano ang trato sa kanya ng mga kaklase at schoolmates niya?

“Nilalapitan po nila ako. Tapos hindi nila ako titigilan hangga’t hindi ko sinusulatan yung mga papel na ibinibigay nila,” sabi pa ni Marc Justine na ang tinutukoy ay yung mga batang gustong magpa-autograph sa kanya.

“Sinusundan po nila ako. E… okey lang naman po yun sa akin.”

First time daw niyang bumiyahe abroad. At bukod sa Israel, nag-shooting din daw sila ng ilang eksena sa Bangkok, Thailand.

Mahaba rin ang biyahe sa eroplano papunta sa Israel?

“Nakakatulog po ako nang maayos. Tapos kapag naiinip po ako, meron namang headset do'n na isasaksak tapos makikinig ka ng music.

“Ibang klaseng karanasan po iyon para sa akin na makapunta sa ibang bansa,” pag-amin ni Marc.

One year pa lang ang nakakaraan simula nang pasukin ni Marc Justine ang pag-aartista. At masaya naman daw siya na ngayon ay sunud-sunod ang magagandang break para sa kanya.

BEGINNINGS. Una siyang kinagiliwang subaybayan ng mga televiewers sa Alice Bungisngis And Her Wonder Walis. Siya yung bata na isinumpang maging walis na kaibigan ni Bea Binene, ang bida sa nasabing fantasy series.

Kasunod nito ay napanood din siya sa primetime series na Makapiling Kang Muli na tinampukan nina Richard Gutierrez, Carla Abellana, at Sarah Lahbati. Gumanap din siya bilang anak nina Bong Revilla at Jennylyn Mercado sa fantasy-epic series na “Indio.”

Tumatak din sa viewers ang madamdamin niyang pagganap bilang anak ni Keempee de Leon sa “Ang Tatay Kong Beki” episode ng “Magpakailanman” a couple of months ago.

Hanggang sa mabigyan siya ng break bilang isa sa mga batang bida sa “One Day Isang Araw.”

FAVORITE CHILD STARS. Nang matanong kung sino sa mga sikat na child stars ang pinakahinahangaan niya, ang mabilis niyang naisagot…

“Si Jillian Ward po. Magaling po kasi siya.”

Si Ryzza Mae Dizon na sikat na sikat din sa ngayon?

“Hindi ko pa po kasi siya personal na nakikilala. Minsan nasa Eat Bulaga! ako, nakita ko po siya. Nagpa-picture lang po kami.”

Ano ang masasabi niya tungkol kay Ryzza Mae?

“Makulit po siya. Pero… mabait din naman po siya.”

Pero nang matanong ulit kung sino sa mga child stars ngayon ang pinakagusto niya, si Jillian nga raw na kasamahan niya sa One Day Isang Araw.

“Kasi po nakikinig po siya sa lahat ng sinasabi ng director sa kanya. Kunwari po, may sinabi na… iyak. Iyak na po siya agad.

“Kapag sinabi naman na kailangang tumawa, tatawa siya kaagad. Magaling po talaga siya,” pagpuri niya sa kanyang co-star.

Marami rin ang nagsasabi na magaling siya. Isa sa mga bagong sulpot na child actor na lutang ang galing sa pag-arte.

“Thank you po! Natutuwa po ako na may mga nakakapansin sa acting ko,” nangiting huling nasabi na lang ni Marc Justine.

Kabilang si Marc Justine sa mga child stars na bida sa pambatang serye ng GMA-7 na “One Day Isang Araw” aired every Saturday night. — Philippine Entertainment Portal