Bilang isa na ngayong ganap na trans-man, sinagot ng singer na si Jake Zyrus ang tanong kung isinasara na NGA ba niya ang pinto sa  kaniyang pagiging si Charice Pempengco.

"Para sa akin, ever since naman bata pa ako, ako na si Jake. Wala pa lang pangalan noon, pero ako na siya. Wala akong maiko-close na anything para kay Charice kasi ever since, ako na si Jake," sabi ni Jake sa press conference ng kaniyang autobiography na "I Am Jake" nitong Biyernes sa Quezon City.

"Hindi ko pinagsisisihan, kaya nga 'di ba lagi kong sinasabi parang Charice was like a role for me. Iniisip ko na every time na I will fall on that Charice, you always had to put on a different mask. Sobrang hirap."

Hindi itinanggi ni Jake na na-enjoy niya ang kasikatan sa Hollywood bilang si Charice, ngunit iginiit niyang matagal na siyang si Jake.

Nilabas ni Jake ang kaniyang autobiography na "I Am Jake," kung saan mas Idinetalye pa niya ang kaniyang mga karanasan at pinagdaanan.

Ayon kay Jake, mas humaba raw ang pasensya niya matapos niyang isulat ang libro.

"'Yung biggest discovery ko, 'yung courage, 'yung braveness, mas bold, mas confident. Especially, mas humaba talaga 'yung patience ko."

Isa sa mga pinakapaboritong parte ni Jake sa kaniyang autobiography ang kabanata tungkol sa kaniyang ama.

Inilahad ni Jake na itinuturing niya bilang "survival book" ang kaniyang autobiography, na talagang makaka-relate din ang mga may pinagdadaanan. —LBG, GMA News