Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jake Zyrus, inilahad ang sarili sa kaniyang 'I Am Jake' autobiography


Kilala noon bilang isang napakatalentadong international singer, ngunit may mas malaking pangarap si Charice Pempengco na matagal na niyang inaasam-asam, at ito ay ang maging isang lalaki na si Jake Zyrus.

Isa na ngayong trans-man, ikinuwento ni Jake ang kaniyang sarili sa bago niyang autobiography na "I Am Jake."

Tampok sa "I Am Jake" ang paglalahad ni Jake tungkol sa kaniyang operasyon, kaniyang pagsikat bilang si Charice Pempengco at makilala sa Hollywood, trahedya ng pagpatay sa kaniyang ama, at kung paano niya napili ang pangalang "Jake Zyrus."

"I was done living my life for others. It was time to choose what was best for me," saad ni Jake sa libro.

Sa press conference ng kaniyang autobiography, inilarawan ni Jake ang kaniyang transition bilang "easy" at "light" ang pakiramdam.

Para kay Jake, maituturing niya bilang "survival book" ang kaniyang autobiography para sa mga taong may pinagdadaanan din tulad ng depression.

Pag-aamin ng singer, tatlong beses na rin niyang sinubukang kitilin ang sarili niyang buhay.

Kaya aniya, tiyak na makaka-relate rin ang mga tao sa kaniyang karanasan.

"I've always wanted to tell the true story. Not because gusto ko na kaawaan nila ako, kasi ayun ang pinaka-ayaw ko sa lahat. Not because na gusto ko lang na 'Oh eto, ito 'yung side ko.' No!... Gusto ko lang talaga na, 'yung kapag binasa mo, maiisip mo na 'Nangyari rin sa akin 'to eh!' Hindi man 'yung sitwasyon pero 'yung pakiramdam, 'yun 'yung gusto kong ma-feel nila."

Hindi rin madali na isulat ang libro kaya sinabi ni Jake na "stressful" ang proseso nito.

Para rin kay Jake, ang kaniyang libro ay isang hakbang para sa mas malawakang usapin tungkol sa LGBT community.

Nakilala si Jake bilang si Charice sa international stage dahil sa galing niyang umawit at bumirit. Naka-duet na niya ang Canadian superstar na si Celine Dion, at naging panauhin pa sa The Oprah Winfrey Show.

Kasama pa niyang nag-perform ang three-time Oscar nominee at 15-time Grammy Award winner na si David Foster sa tour nito sa Pilipinas noong 2015.

Hit ni Jake bilang si Charice ang kantang "Pyramid," "Louder" at cover ng "I Will Always Love You."

Available ang I Am Jake online sa www.anvilpublishing.com. —LBG, GMA News

LOADING CONTENT